IBINUNYAG ni dating Customs commissioner Nicanor Faeldon, sangkot sa cement smuggling ang anak ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na si Panfilo “Pampi” Lacson, Jr.
Inihayag ito ni Faeldon sa ginanap na press conference sa Taytay, Rizal, kahapon.
Isiniwalat ng dating Customs commissioner makaraan idawit ni Lacson ang kanyang pangalan sa sinasabing mga tumanggap ng ‘tara.’
Ayon kay Faeldon noong Hulyo 2016 o ilang araw pa lamang siyang nakauupo bilang customs commissioner, may natuklasan siyang anomalous shipments.
Ani Faeldon, ang Bonjourno, kompanyang pag-aari ni Pampi ang nasa likod ng shipments ng 67 barko na may kargang smuggled cements.
Dagdag niya, taon 2015 nang itayo ang kompanya ng anak ni Lacson na may capital lang na P20,000.
Ani Faeldon, nito lamang nakaraang buwan ay nagpasok ng tatlong shipments ang kompanya ni Pampi na may halagang P106 milyon.
Duda si Faeldon sa capital na P20,000 at sa loob ng tatlong araw ay nakapagpasok si Pampi ng malaking halaga ng shipment ng semento.
Pekeng dokumento aniya ang isinumite ni Pampi, at imbes $16 hanggang $20 na bayarin ay naging $8 lamang ang kanyang babayaran.
Buwelta ni Faeldon, dapat itong imbestigahan ng Senado. “Imbestigahan natin ‘to kasi this is smuggling of cement by the billions, by high-ranking government official,” ayon kay Faeldon sa ipinatawag na press conference.
Ani Faeldon, nagdala pa noon ng pera si Pampi sa Customs at mistulang tinatangka niyang suhulan ang mga tauhan sa ahensiya.
”Nagdala ng pera si Panfilo Lacson Jr… Matagal na po ‘yang importer… Ano’ng big sabihin nito? Is he trying to bribe my staff?” dagdag ni Faeldon.
Aniya, (Faeldon), ayon sa Cement Manufacturers’ Association of the Philippines, ang Bonjourno ay maituturing na biggest cement smuggler sa bansa.
Una rito, sinabi ni Faeldon na respetado niya si Sen. Lacson na isang malinis na senador, at sa huli ay binuweltahan na basta lang aniyang nanira ng pamilya at tila nais lang ng senador na magpasikat, at tila may balak tumakbo bilang presidente sa darating na eleksiyon.
Itinanggi ni Faeldon ang sinasabing P100 milyon na pasalubong sa kanya noong maupo siya bilang customs commissioner, na ibinunyag ni Sen. Lacson, ngunit inamin na tinangka siyang suhulan ng isang importer ng P300,000 a week.
Gayonman, hindi sinagot ng dating customs commissioner ang pukol na tanong ng mediamen sa presscon kung bakit ngayon lang niya inilabas ang isyu laban sa senator.
ni ED MORENO
SMUGGLING
NI PAMPI
IMBESTIGAHAN
— PALASYO
DAPAT imbestigahan ang ibinunyag ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na sangkot sa bigtime smuggling ang anak ni Sen. Panfilo Lacson.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, kailangan din isailalim sa pagsisiyasat ang isiniwalat ni Faeldon laban kay Panfilo “Pampi” Lacson Jr. na sabit sa smuggling.
“Well, that also has to be verified, that also has to be — to undergo proper investigation,” ani Abella.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Faeldon, na ayon sa Cement Manufacturers’ Association of the Philippines, ang Bonjourno, kompanyang pagmamay-ari ni Pampi, ang “biggest cement smuggler.”
Sa puhunan aniya ng Bonjourno na P20,000 ay nakapagpasok ito ng 67 ship loads ng semento na may halagang P4.6 bilyon at gusto lang bayaran ang kalahati ng freight cost.
“We discovered the smuggled shipment during [our] first 12 days of office in Customs,” ani Faeldon.
“I guarantee you, Senator Lacson, the document your son presented to me wasn’t genuine,” dagdag ni Faeldon.
Aniya, gusto ni Lacson na siraan siya at mga opisyal niya at nais ng senador na mawala sila sa puwesto dahil tinatrabaho nila ang mga smuggler na nasa hawak niyang listahan.
“You want to destroy people like me and the officers on my team, you want us out because of this,” sabi ni Faeldon habang iwinawagayway ang hawak na listahan.
(ROSE NOVENARIO)
ANAK ISASALANG
SA IMBESTIGASYON
BUKAS si Sen. Panfilo Lacson na paimbestigahan mismo ang kanyang anak na si Pampi Lacson sa alegasyong sangkot sa cement smuggling.
Una rito, ibinunyag ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, dawit sa bilyon-bilyong smuggling si Pampi dahil sa undervalue ang deklarasyon ng mga ipinapasok na semento, sa pamamagitan ng kompanyang Bonjourno.
Ayon sa senador, wala siyang partisipasyon sa hanapbuhay ng anak at bahalang sumagot si Pampi sa ano mang akusasyon.
Aniya, nang makausap niya si Pampi, pinayohan lamang niya ang anak na ihanda ang mga dokumento para patunayang malinis ang mga transaksiyon sa pag-import ng mga kargamento.
Ang naging papel daw ng Senador sa kompanya ng anak ay walang iba kundi ang pagpapa-photo copy ng mga papeles para makakuha ng PS mark sa mga produkto.
Hindi rin umano niya papatulan ang mga personal na banat sa kanya ni Faeldon dahil nasabi na niya sa privilege speech ang kinakailangan niyang ibunyag.
Kung may pagkakasala aniya at sangkot ang kanyang anak sa korupsiyon ay siya mismo ang mag-iimbestiga. (CYNTHIA MARTIN)