NADISKOBRE ng mga tauhan ng Antipolo PNP ang 280 grams ng shabu, tinatayang P1.8 milyon ang halaga, sa nagliyab na motorsiklo habang tumakas ang suspek nang makita ang nagrespondeng mga pulis sa lungsod ng Antipolo kahapon.
Sa ulat ni Insp. Rolly Baylon, PCP-1 commander, kinilala ang suspek na si Rick Santos, 42, nakatira sa 09 Doña Justa Subd., Angono, Rizal.
Nabatid sa opisyal, dakong 2:55 pm nang makatanggap sila ng tawag na may nagliyab na motorsiklo sa harap ng Riklan Center, sa Marcos Highway, Brgy. Mayamot.
Bunsod nito, nagresponde ang opisyal kasama ang ilang bombero para apulain ang sunog at tulungan ang may-ari ng motorsiklo.
Ngunit imbes makipag-ugnayan si Santos sa mga awtoridad, bigla siyang naglaho at iniwan ang nagliliyab na motorsiklo.
Nang maapula ang apoy, tumambad sa mga awtoridad at bombero ang tatlong packs ng shabu, tinatayang 280 gramo, at ang muntik nang masunog na driver’s license ng suspek.
Sinampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang tumakas na suspek.
(ED MORENO)