MATATALO pa ba si June Mar Fajardo sa labanan para sa Most Valuable Player ng Philippine Basketball Association sa taong ito?
Kahit na hindi siya ang nagiging Best Player of the Conference o ng Finals ng nakaraang Philippine Cup at Commissioner’s Cup ay malinaw na nakaangat siya sa kanyang mga kakamping sina Chris Ross at Alex Cabagnot at sa lahat ng manlalaro ng mga iba pang koponan sa liga.
At noong ngang Miyerkoles ay ipinakita niya ang kanyang halaga nang pasanin niya ang San Miguel Beer sa 97-91 panalo kontra sa karibal na TNT Katropa para sa 2-0 record. Nagtala siya ng game-high 27 puntos at siyam na rebounds.
Malamang na hindi na masilat si Fajardo. Puwera na lang kung hindi niya matatapos ang season dahil sa kung anong dahilan, knock on wood!
At kung magwawagi siya bilang MVP sa season na ito ay mapapantayan niya ang records nina Ramon Fernandez at Alvin Patrimonio,
At bukod dito, siya ang unang manlalaro na mananalo ng MVP award ng apat na sunod na taon! Ang record dati ay back-to-back nina Fernandez at Wiliam Adornado.
Na-break na niya ito noong nakaraang season nang manalo siya ng tatlong sunod.
Ngayon ay four straight naman!
At the rate June Mar is going, malamang na puwedeng manalo siya nang manalo ng MVP awards sa loob ng lima, anim o pitong taon.
Wala kasi tayong nakikitang puwedeng sumilat sa kanya in the near future.
Kung nagagawa niya ito, wala nang makakabura ng kanyang record. Bibilang ulit ng 40 taon siguro ang PBA bago may dumating na bubura doon!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua