HINIMOK ng ilang kongresista si House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na iprayoridad ang imbestigasyon sa bagong desisyon ng National Police Commission (Napolcom) na bawian ng kapangyarihan sa lokal na pulisya ang gobernador ng Sulu at 13 alkalde.
Ayon kay Sulu Rep. Abdulmunir Arbison, nakababahala ang dahilan ng Napolcom sa pagbawi ng “deputation” ng gobernador dahil sa umano’y mga aktuwasyon na posibleng makaapekto sa kampanya ng administrasyong Duterte sa kapayapaan at kaayusan sa bansa lalo sa Mindanao.
Ito ang nag-udyok sa mambabatas upang ihain ang House Resolution (HR) No. 1137, nagpapaimbestiga sa Napolcom resolution na bumabawi sa “deputation” ni Sulu Governor Abdusakur Tan II at 13 alkalde ng Sulu.
Naging basehan ng Napolcom ang umano’y pagkakasangkot ng nasabing mga opisyal sa illegal drugs, sa local terrorists, lalo sa Abu Sayyaf Group (ASG) at sa kidnap for ransom activities nito.
Giit ni Arbison, mahalagaang maaksiyonan ito ng Kongreso upang hindi manganib ang buhay at hindi masayang ang sakripisyo ang mga sundalo at mga pulis sa Marawi City.
Sa naunang mga ulat, ang ASG ang nagsu-suplay ng logistics at fighting forces sa Maute Terrorists Group.
”We need to get down to the bottom of this issue, otherwise, the sacrifices of our young and gallant soldiers will just be in vain.
Again, the Napolcom resolution already points us to the truth which we must all seek out, if we are to fully liberate Sulu and Mindanao from quagmire of extremisms and senseless war,” ani Arbison.
Isinulong ni Arbison ang pagrepaso sa probisyon sa kidnapping and serious illegal detention ng Revised Penal Code, Republic Act (RA) No. 9372 o Human Security Act of 2007, RA No. 6975 o Philippine National Police (PNP) Law, at ang RA No. 10927 Anti-Money Laundering Act.
Sa Napolcom resolution na inilabas nitong 4 Hunyo 2017, nakasaad na pitong gobernador at 132 alkalde sa Mindanao ang binawian ng kontrol sa local police dahil sa sinasabing pagkakasangkot sa mga krimen o pag-abuso sa kanilang kapangyarihan.
“Reports from kidnapped victims in Malaysia also revealed that they paid the ransom money through a powerful local politician in Sulu,” ayon kay Arbison. (JETHRO SINOCRUZ)