ARESTADO sa loob mismo ng Antipolo PNP ang apat tauhan nito na nakatalaga sa Drugs Enforcement Unit (DEU), makaraan hingian ng P50,000 ang hinihinalang bigtime drug pusher na kanilang inaresto kamakailan.
Kinilala ni Supt. Raynold Rosero, chief of police, ang mga nadakip na sina SPO1 Ginnie San Antonio, PO2 Randolph Opeñano, PO2 Erwin Fernandez, at PO1 Alejo de Guzman, pawang nakatalaga sa Drugs Enforcement Unit (DEU) ng Antipolo PNP.
Batay sa record ng Rizal PNP, dakong 10:00 pm isinagawa ang entrapment operation laban sa mga pulis sa mismong headquarters sa ACG building, Circumferential Road, Brgy. San Jose, kasama ang EX-O Counter Intelligence Task Force Operatives (CITF) na si Supt. Michael John Mangahis, nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Sa naantalang ulat, lumilitaw na inaareglo ng apat DEU operatives ang drug suspect na si Joseph delos Santos.
Ayon kay Delos Santos, sinabi ng mga operatiba, para bumaba ang kaso niyang drug case at maging bailable ay kinakailangan magbigay ng P50,000.
Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, nagreklamo si Delos Santos sa CITF, nagresulta sa pagkakadakip sa mga pulis sa entrapment operation.
Kasong robbery extortion ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek na nakapiit ngayon sa detention cell, at posibleng masibak bilang kagawad ng PNP.
(ED MORENO)