MATAGUMPAY ang naging kampanya ng Barangay Ginebra Kings at Meralco Bolts dahil sa mahusay ang kanilang mga imports noong nakaraang Governors Cup, umaasa ang dalawang nasabing teams na mauulit nila ang kasaysayan ngayong pinabalik nila ang mga ito.
Muling kinuha ng Gin Kings si Justin Brownlee samantalang pinabalik ng Bolts si Allen Durham para sa PBA Governor s Cup na magsisimula mamaya.
Ang dalawang ito ang nagharap sa best-of-seven championship round ng Governors Cup matapos na daigin ang kani-kanilang nakatunggali sa elims, quaterfinals at semis.
Sa Finals ay nakauna ang Meralco, 3-2 subalit nanaig ang Gin Kings sa huling dalawang laro upang wakasan ang pitong taong paghihintay para sa isang kprona,
Heto ang siste: Kahit na nagkampeon ang Gin Kings ay hindi si Brownlee ang nahirang na Best Import. Kay Durham napunta ang karangalan.
Kaya naman marami ang nagsabing hindi naging kompleto ang tagumpay ni Brownlee.
At nito ngang nakaraang Commissioner’s Cup kung saan pinaglaro ni Ginebra coach Tim Cone si Brownlee kahit na 6-5 lang ang height niya ay nadala niya ang kanyang koponan sa semis. Kinapos nga lang sila kung kaya’t hindi din siya ang nanalong Best Import.
Ngayon ay umaasa ang mga Gin Kings fans na makukumpleto na ni Brownlee ang lahat – mapapanatili ng Barangay Ginebra ang korona at mananalo bilang Best Import.
Pero ang ambisyon naman ni Durham ay ito: Maibigay niya sa Meralco ang kanilang kauna-unahang titulo sa liga at mapanatili ang Best Import award.
So, kaninong pangarap ang matutupad?
Well, itanong ninyo sa San Miguel Beer at kay Wendell Mckines dahil target naman nila ang Grand Slam!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua