ARESTADO ang walo katao na ginagamit ang isang private Facebook group sa pagtutulak ng droga, sa ikinasang mga buy bust operation ng mga awtoridad, sa lalawigan ng Rizal.
Hindi alam ng mga suspek, isang ‘tanim’ ng Philippine Drug Enforcement Agency ang nakapasok sa kanilang chat group.
Sa screen shots sa chat ng FB group, mababasa ang transaksiyon sa bentahan nila ng marijuana.
Ipinakikita rin nila ang mga retrato ng mga ‘item’ sa kanilang miyembro, at hindi basta-basta nakasasali sa grupo.
“Before ka makapasok diyan dapat may personal kang kakilala roon. Somebody na kilala ka kung nasaan ‘yung bahay mo, usually close friends din nila,” ayon kay Agent Dheo Tabor, provincial officer, PDEA Rizal Provincial Office.
Ngunit sa loob ng higit isang buwan, isang ahente ng PDEA ang matagumpay na nakasali sa group chat kaya ikinasa ang tatlong magkakasunod na buy-bust operation.
Arestado ang mga miyembro ng group chat na sina Evandolf Coronado, alias Pompom, at Rovic Reyes, na nabilihan ng P500 halaga ng marijuana.
May nakuha rin sa dalawa na 13 sachet ng marijuana at isang sachet ng shabu.
Sa ikalawang buy-bust sa Brgy. San Roque, arestado ang isa pang miyembro ng group chat na si Mark Anthony Vasquez.
Ayon sa PDEA, P3,000 halaga ng marijuana ang nabili ng nagpanggap na buyer.
Ngunit paliwanag ni Vasquez, hindi sa kanya ang mga nakuha ng mga awtoridad at napag-utusan lang siya.
Sa ikatlong buy bust operation sa Brgy. San Jose nitong Huwebes, nakakuha ng P24,000 ha-laga ng shabu sa suspek na si April dela Cruz.
Arestado rin ang apat na ibang suspek na naaktohang nagsusugal at bumabatak.
Ayon kay April, hindi madalas ang pagda-dala sa kanila ng droga na nanggagaling aniya sa isang dating pulis.
(ED MORENO)