BUBUWELTAHAN ni House Majority Floor leader Rodolfo Fariñas ang Ilocos Norte Board Members na bomoto upang siya ay ideklarang “persona non-grata” sa sarili niyang distrito.
Kakasuhan ni Fariñas nang paglabag sa kanyang constitutional rights ang walong board members, gayondin ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa “undue injury thru evident in bad faith” na idinulot sa kanya at sa kanyang pamilya.
“I am a citizen of this country and no one, especially Sangguniang Panlalawigan members, can declare me or any other citizen of this country a persona non grata. Not even convicted criminals are declared as such,” ani Fariñas na nasa Estados Unidos ngayon.
Paliwanag ng opisyal, ang persona non-grata ay idinideklara lamang sa mga dayuhan at hindi sa katulad niyang ibinoto ng mamamayan ng unang distrito ng Ilocos Norte at siya pa ang tumatayong Majority Leader ng Kongreso.
Kung matatandaan, iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Accountability ang naging pagbili ng mga sasakyan ng Ilocos Norte mula sa shares nito sa sa tobacco excise tax.
At dahil dito, ipinakulong ng Komite ang “Ilocos 6” sa Batasan makaraan ma-cite-in-contempt, dahil sa hindi pagsagot sa katanungan ng mga kongresista, kasama si Fariñas.
(JETHRO SINOCRUZ)