NAGHAHANAP ng pangontra o panapat ang Barangay Ginebra kay Joshua Smith para makatabla sa TNT Katropa sa Game Two ng best-of-five semifinals ng PBA Commissioner’s Cup 7:00 pm sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dinaig ng Tropang Texters ang Gin Kings, 100-94 sa Game One noong Linggo kung saan nag-astang halimaw ang 330-pounder na si Smith na gumawa ng 35 puntos, 13 rebounds, apat na assists at dalawang steals.
Hindi napigilan ng nga tulad nina Japhet Aguilar, Dave Marcelo at Joe DeVance si Smith. At dahil dito ay namiyesta ang TNT Katropa import sa shaded area samantalang nalibre naman sa labas ang mga shooters ni coach Nash Racela.
Sinabi ni Racela na inasahan na niya na mangyayari ito dahil sa hindi naman mabagal si Smith at kaya niya ang sinumang dedepensa sa kanya.
“Ïf you give him the playing time, he will deliver,” ani Racela patungkol kay Smith na naglaro lang ng 28 minuto. Gumawa siya ng 29 puntos sa second half.
Natulungan siya ng rookie na si Ro-ger Pogoy na nagtala ng 17 puntos at Ranidel de Ocampo na gumawa ng 12.
Ang iba pang inaasahan ni Racela ay sina Jayson Castro, Kelly Williams, Moala Tautuaa at Troy Rosario.
Tiyak namang ihahanda ni coach Tim Cone ang kanyang mga bata para sa resbak upang maitabla ang serye.
Malabo pa ring paglaruin ni Cone ang seven-footer na si Greg Slaughter bagama’t ito ay nakapag-ensayo na at nagsuot ng uniporme sa Game One.
Kailangang doblehin ni Ginebra import Justin Brownlee ang kanyang pagpupunyagi upang matulungan ang Gin Kings. Si Brownlee ang leading contender para sa Best Import award subalit maglalaho ito kapag hindi nakarating sa Finals ang Barangay Ginebra.
Sa Game One, si Brownlee ay gumawa ng 24 puntos, 14 rebounds, anim na assists at dalawang steals sa 43 minuto.
Nakatulong ni Brownlee sina LA Tenorio (15 puntos), Aguilar (15), DeVance 10 at Kevin Ferrer (10).
Ang magwawagi sa duwelong ito ay makakalaban ng mananalo sa kabilang semifinal series sa pagitan ng Star Hotshots at San Miguel Beer sa best-of-seven championship round.
(SABRINA PASCUA)