NAIS ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na gawing Committee of the Whole ang Kamara, at magsagawa ng executive session para talakayin ang idineklarang martial law ni Pangulong Duterte sa Mindanao.
Banggit ni Fariñas, isusulong niya sa Lunes (29 Mayo) ang naturang hakbang para sa pagsasagawa ng executive session na gaganapin sa Miyerkoles (31 Mayo) ng umaga.
Iimbitahan sa pagpupulong ang executive secretary, DILG, at DND para sagutin ang kanilang mga tanong kaugnay sa isinumiteng ulat ni Pa-ngulong Duterte.
Kasama sa ipa-tatawag ang mga gabinete na kinabibilangan ng DSWD, DoH, DoJ, DoT, DoTr, DTI at iba pang ahensiya ng gobyerno para tanungin ukol sa kani-kanilang departamento.
Ang planong ito ni Fariñas ay makaraan mapagkasunduan nila ni Senate Majority Leader, Senator Tito Sotto na magsagawa nang “briefing” ang executive department sa Senado sa Lunes ng hapon, habang sila ay sa Miyerkoles ng umaga.
Hindi na nagsagawa ng sesyon ang Kamara, makaraan ihayag ng Ma-lacañang na ipadadala nila ang kanilang ulat sa Kongreso.
Gayondin, ang pagsasagawa ng joint session ng dalawang kapulungan ay kung walang maghahain ng concurrent resolution mula sa mga mambabatas.
Ayon kay Fariñas, ito rin ang ginawa niyang paliwanag sa Makabayan Bloc at kay Albay Rep. Edcel Lagman ukol sa pagsasagawa ng joint session.
Base sa isinasaad sa batas, may kapangyarihan ang Pangulo na magdeklara ng martial law sa loob ng 60 araw, kahit hindi aprobahan ng Kongreso.
(JETHRO SINOCRUZ)