IPAGDIRIWANG ang ika-100 Founding Anniversary ng Muntinlupa sa pamamagitan ng pinakamahabang boodle fight sa 20 Mayo, tampok ang mga residente ng walong barangay.
Ayon kay Muntinlupa Centennial Commission (MCC) chairman and City Administrator Allan Cacheula, ang boodle fight ay tatakbo sa habang 11 kilometro mula Barangay Tunasan hanggang sa Barangay Sucat.
Inanyayahan ni Cachuela ang lahat sa gaganaping pinakamahabang boddle fight na walang kusing na gagastusin ang nais lumahok.
“It is high time that Muntinlupa organizes this boodle fight in celebration of the Centennial Anniversary to welcome the festivity as one people,” dagdag ni Cachuela.
Ayon kay Muntinlupa Public Information Officer Tez Navarro ang boodle fight ay maaaring sumira ng mga nakatalang pagtatangka, gayonman hindi naghain ng aplikasyon ang pa-mahalaang lungsod sa pagkilala ng Guinness Book of World Records.
Aniya, layunin ng naturang event na paunalarin at palawakin ang camaraderie, pagkakaisa, at bolunterismo sa hanay ng mga Muntinlupeño sa pagdiriwang ng lokal na centennial.
Nakiisa at nangako ang homeowners associations, community groups, at iba pang pribadong sektor sa pagsasaayos ng mesa, paghahain at pagkakaloob ng mga lutong pagkain.
Ihahain dito ang mga paboritong pagkaing Pinoy gaya ng adobo, tilapia, at iba pa. Lalahok sa boodle fight sina Mayor Jaime Fresnedi, Rep. Ruffy Biazon, at iba pang lokal na opisyal kasalo ang mga residente.
Ang Centennial Boodle Fight ay ililinya sa secondary streets gaya sa Barangays Tunasan, Poblacion, Putatan, Bayanan, Alabang, Cupang, Buli, at Sucat.
Hinihikayat ang mga lalahok na magsuot ng puting damit sa boodle fight na magsisimula dakong 6:00 am. Ipinapayo ng Muntinlupa Traffic Management Bureau sa mga motoristang daraan sa nasabing mga kalye na maghanap ng alterna-tibong ruta sa oras ng programa. (MANNY ALCALA)