PASADO na sa House Committee on Population and Family Relations ang Substitute Bill ng National ID system na Filipino ID.
Ayon sa chairman ng komite na si Laguna Rep. Sol Aragones, long overdue na ang panukalang batas at kailangang-kai-langan na ito ng mga Filipino para sa mga transaksiyon sa gobyerno at sa pribadong tanggapan.
“Simple lang ang nilalaman nito para sa ordinaryong tao, kasi mapapadali na sa pamamagitan ng iisang ID, ang lahat ng transaksiyon, naka-identify rito ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na magpapatupad nito,” ani Aragones.
Sino mang empleyado ng gobyerno na maglalabas ng impormasyon ng isang individual ay maaaring patawan ng perpetual disqualification at makukulong ng anim buwan hanggang tatlong taon at multang P50,000 hanggang P500,000.
Babala ni Aragones, maging ang nagbabalak na magbigay ng maling impormasyon ay may kahaharaping kaso at parusa.
Paglilinaw ni Aragones, ang ID ay libre ngunit kapag naiwala ay may bayad na ang kapalit nito at ang bawat ID ay may Common Reference Number (CRN), mula nang magparehistro sa edad na 18 tao anyos.
“Sa totoo lang marami na tayong mga ID, iko-consolidate lang ito sa isa para mas madali at hindi na tayo mahihirapan sa mga application natin,” pagtatapos ng mambabatas.
(JETHRO SINOCRUZ)