MAS pabor ang isang mambabatas na isama sa kaso ang mga magulang o guardian ng isang minor offender kaysa pababain ang minimum age ng criminal liability sa 9-anyos o 12-anyos.
Ayon kay Rep. Jose Panganiban, parusahan ang mga magulang o guardian ng batang masasangkot sa krimen, pati na rin ang mga taong gumagamit sa kanila.
“Personally, instead of lowering the age of criminality to 9 or 12, siguro bigatan natin ‘yong parusa doon sa magulang at kung sino ang gumagamit sa mga bata para gumawa ng krimen that’s my personal view,” ani Rep. Panganiban.
Duda ng mambabatas, hindi ito magiging epektibong pamamaraan para masigurong mababawasan ang crime rate sa bansa kung kaya’t mas mainam na asuntohin at ikulong ang parents o guardian ng minor offender.
“Nabawasan ba ang crime? Hindi. So pag i-lower pa natin sa 12 or sa 9 at hindi natin isinasama na to make it more stiff ‘yung penalty doon sa parents o sa mga gumagamit, I don’t think na lowering it to 6 or 5 will do,” arangkada ni Rep. Panganiban.
Paliwanag ni Panganiban, kung anong kaso ang kinasasangkutan ng minor offender dapat ganoon din ang ikaso sa magulang, kung rape dapat rape din ang ikaso, at pareho ang i-pataw na parusa.
“Ang tatay ang dapat ikulong ‘di puwedeng dalawa sila kasi wala nang mag-aasikaso sa pamilya kapag dalawa silang ikinulong,” pagtatapos ni Panganiban.
(JETHRO SINOCRUZ)