NAKOMPISKA ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD), ang P86.5 milyon halaga ng pekeng Nike at Converse rubber shoes sa isinagawang raid sa Pasay City.
Sinalakay sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Rainelda H. Estacio-Montesa ng Manila RTC Branch 46, ang mga unit na inookupa nina Ana Chua, Wang Yu Bo, at ilan pang negosyante sa 111 J. Fernando Street, Pasay City, at One Shopping Center sa Kapitan Ambo Street, Pasay City.
Nag-ugat ang pagsalakay ng NBI dahil sa reklamo ni Jaime S. Dela Cruz ng I-Data ng Nike and Converse noong 22 Marso, nagresulta sa pagkakakompiska sa pekeng mga sapatos.
Pansamantalang ini-lipat ng NBI sa isang bodega sa Valenzuela City ang nakompiskang mga rubber shoes.
Habang inihahanda ng NBI ang isasampang paglabag sa R.A. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines, sa mga may-ari nang sinalakay na establisimiyento.
(LEONARD BASILIO)