TAHASANG sinabi ng mamamahayag na si Charie Villa, binabraso ang kanyang kapatid na si Atty. Francisco Villa Jr., para pirmahan ang mga iregular na dokumento, ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Jose Vicente Salazar.
Base sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, emosyonal na ikinuwento ni Charie, ang pagpapakamatay ni Atty. Villa noong 9 Nobyembre 2016.
Ayon kay Charie, noong 8 Nobyembre niya huling nakausap si Atty. Villa habang sila ay nag-aalmusal, at tinanong niya ang opisyal kung bakit hindi na pumapasok sa ERC.
Sa araw na iyon, inamin ni Atty. Villa, kaya ayaw na niyang bumalik sa opisina dahil pilit siyang pinapipirma ni Salazar sa mga maanomalyang dokumento ng ahensiya.
Sinabi ni Charie, hangga’t maaari ay ayaw na ng kanilang pamilya na maungkat pa ang pagpapakamatay ng kanyang kapatid, ngunit nagdesisyon siyang humarap sa Kamara para damayan ang iba pang empleyado na naiipit sa iregularidad.
(JETHRO SINOCRUZ)