POSIBLENG magkaroon ng “chilling effect” sa mga hukom o mahistrado ang banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, nagbanta si Alvarez na i-impeach nila ang sino mang mahistrado na maglalabas ng temporary restraining order (TRO) sa pagtatayo ng MRT/LRT common station.
Inoobliga ng Speaker ang Department of Transportation (DOTr) na ituloy nila ang pagtatayo ng common station base sa orihinal na plano nito.
Wala aniyang dahilan para maantala ito dahil may budget na ang gobyerno para sa proyekto.
Batay sa orihinal plan ng common station, mas malapit ito sa SM annex, at hindi maglalakad nang malayo ang mga pasahero ng MRT at LRT para magpalipat-lipat ng tren.
Ayon kay Alvarez, kung hindi ito agad gagawin, maaaring makasuhan ang mga taga DOTr kaya’t dapat itong isagawa sa lalong madaling panahon.
Wala aniyang dapat ipag-alala ang ahensiya sakaling may umakyat sa korte para harangin ito, dahil paniniyak ni Alvarez, sila mismo sa Kamara ang kikilos para ipa-impeach ang sino mang mahistrado na maglalabas ng TRO.
(JETHRO SINOCRUZ)