KUNG pagkakaisa ng sambayanan ang pag-uusapan sa paglulunsad ng EDSA people power noong 1986, para baliktarin ang ‘tatsulok’ sa lipunang Filipino maituturing itong tagumpay.
Ngunit kung katuparan ba ng pangarap ng sambayanang Filipino ang EDSA people power, ito ay malaking kabiguan.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, ang ‘pagdiriwang’ ng EDSA People Power ay muling magpapagunita ng isang tagumpay na ninakaw sa sambayanan.
Aniya, “walang saysay at nabigo ang pangarap ng mamamayan sa EDSA dahil hindi natugunan ang mga problema ng bansa gaya ng kahirapan, kawalan ng lupang masasaka, kawalan ng trabaho, pang-aapi at paglabag sa karapatang pantao.”
Noong 1986, magugunitang nagdiwang ang mga lumahok sa EDSA people power nang mapatalsik ang isang diktador.
Ngunit sa pagpapalit ng administrasyon, ang paboritong ulam ng masa na galunggong ay sumirit ang presyo hanggang P120 mula sa dating P8.00.
Tuloy-tuloy ang brownout na umabot hanggang tatlong beses sa loob ng isang araw.
At higit sa lahat, sumulpot ang mga bagong cronies na kung tawagin ay Kamaganak Inc.
“Ang pangako ng EDSA ay na-hijack ng mga mula sa kaparehong uri ng pinatalsik na diktador at ng mga crony, oligarch, mga lokal at dayuhang kasapakat nila,” banat ng mambabatas.
(JETHRO SINOCRUZ)