IPINALIWANAG ni Speaker Pantaleon Alvarez, hindi agaran ang pagtatanggal sa puwesto sa mga lider ng Kamara, na hindi susuporta sa death penalty.
Paglilinaw ni Alvarez, patatapusin muna nila ang botohan sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan, bago magdesisyon ang liderato kung sino ang dapat alisin sa posisyon.
Sa botohan sa plenaryo malalaman ang opisyal na boto ng bawat Kongresista, minorya o mayorya man, kasama rito ang deputy speakers, chairman, at vice chairman ng mga komite.
Kasabay nito, itinanggi ni Alvarez na pinupuntirya niyang alisin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo(GMA), isa sa 14 deputy speakers, dahil kilalang anti-death penalty, at napapabalitang hinahangad ang speakership
Usapin sa death penalty aniya ang ugat ng kanyang plano kay GMA, dahil hindi katanggap-tanggap na manatili siya sa mayorya, kung hindi kasundo sa prayoridad na kanilang itinutulak.
Wala aniyang nararamdaman si Alvarez na binabalak ni GMA na palitan siya sa puwesto.
Kaugnay nito, game si Alvarez kung may nagbabalak na sipain siya sa kanyang upuan, basta ang mahalaga aniya ay maisulong ang kagustuhan ng Pangulo, na maibalik ang death penalty sa bansa.
(JETHRO SINOCRUZ)