HUMIGIT sa isandaan mambabatas ang pumirma sa isang resolusyon, nananawagang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at komunistang grupo.
Nilagdaan ng 103 kongresista ang House resolution 769, humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte, na ituloy ang peace negotiations ng Government of the Republic of the Philippines (GRP), at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Kabilang sa lumagda ang 42 mambabatas mula sa Luzon, 30 party-list congressmen, 20 mula sa Mindanao, at 11 mula sa Visayas. Kabilang sa may akda ng resolusyon ang tatlong deputy speakers.
Matatandaan, nitong 5 Pebrero, kinansela ni Pangulong Duterte ang peace negotiations ng NDFP at GRP, dahil sa sunod-sunod na pag-atake ng New People’s Army(NPA) sa mga sundalo.
Ang pagpapahinto sa naturang usapang pangkapayapaan ay dalawang linggo makaraan ang matagumpay na ikatlong pag-uusap sa Rome, Italy nitong Enero ng taon kasalukuyan.
(JETHRO SINOCRUZ)