IKINAGALAK ng mga mambabatas, sa pangunguna ng chairman ng House committee on ways and means, ang pinalawak na imbestigasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sa paggamit ng pekeng tax stamps sa sigarilyo.
Sakop nang pinalawig na imbestigasyon ang lahat ng manufacturers at importers, kabilang ang “banyagang kompanyang” Philip Morris FortuneTobaco Corporation (PMFTC).
Sinabi nina Quirino Rep. Dax Cua, ABS party-list Rep. Eugene Michael de Vera, Akbayan party-list Rep. Tom Villarin, at Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe, makatutulong ang pahayag ni BIR Deputy Commissioner for Legal Service Jesus Clint Aranas, na imbestigahan ang lahat ng tobacco firms, sa revenue generation ni Presidente Duterte, at maisulong ang patas na kompetensiya sa nasabing industriya.
Bukod sa suporta sa BIR sa kampanya laban sa tax evasion, sinabi ni Cua, chairman ng ways and means, sinusuportahan din niya ang House Bill 4144, inihain ni de Vera, mag-aamyenda sa Republic Act 10351, o Sin Tax Reform Act, magtataas sa excise tax rates sa low-end at premium cigarette brands, upang mabawasan ang naninigarilyong mga Filipino at makakolekta nang karagdagang P14 bilyong kita ang gobyerno.
Naipasa ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara noong Disyembre at kasalukuyang nakabinbin sa Senado.
Una rito, itinanggi ng Mighty Corporation (MC), isa sa pinakamatagal na Filipino-owned cigarette manufacturer sa bansa, ang paggamit ng pekeng stamps sa kanilang operasyon.
Sinabi ni De Vera, tama at patas lamang na isama ng BIR ang pag-check sa mga dayuhang kompanya para matugunan ang bilyong pisong pagkalugi ng gobyerno dahil sa tax evasion.
Tungkulin aniya ng BIR na habulin ang mga tax evaders, kabilang dito ang paggamit ng pekeng stamps sa sigarilyo, para makaiwas sa pagbabayad ng excise taxes.
Habang sinabi ni Villarin, isang magandang hakbang ang gagawin ng BIR para matakpan ang butas sa koleksiyon ng ‘sin taxes’ na inilalaan sa universal health program.
(JETHRO SINOCRUZ)