BAHALA si Pangulong Rodrigo Duterte kung tatanggapin ang pagbibitiw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos bilang special envoy to China.
“According to FVR the letter has been submitted to the office of the Executive Secretary, but it will be up to PRRD, whether to accept it or not,” ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Nitong Lunes, inihayag ni Ramos, nagbitiw na siya sa puwesto nang bumalik sa bansa si Duterte mula sa apat-na-araw state visit sa China nitong nakaraang buwan.
Matatandaan, mula nang makabalik sa bansa si Duterte ay malayang nakapangisda muli ang mga mamamalakayang Filipino sa Scarborough Shoal.
Nang magtungo si Ramos sa Hong Kong noong nakaraang Agosto, dalawang kaibigang Chinese na may mahalagang gampanin sa isyu ng sigalot sa West Philippine Sea ang kanyang nakausap ngunit hindi pa rin nakapangisda ang Filipino fishermen sa Scarborough Shoal.
Nauna nang binatikos ni Ramos ang independent foreign policy ni Duterte o ang pagdedeklara na hindi siya magiging tuta ng Amerika gaya ng ibang naging Punong Ehekutibo ng Filipinas.
Binalaan ni Ramos si Duterte laban sa pagbasura sa Climate Change Agreement.
( ROSE NOVENARIO )