Mga talangka at intrimitido sa gobyerno
Jerry Yap
October 18, 2016
Bulabugin
AN idle mind is a devil’s workshop.
‘Yan siguro ang dahilan kung bakit maraming ‘political spectator’ sa ating bansa at maraming mahilig makisawsaw.
Bukod tanging sa Filipinas lang talaga maraming ‘magagaling’ na parang ‘feeling’ nila ay kabilang sila sa Gabinete ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Habang ‘yung ilang miyembro naman ng Gabinete at ilang opisyal ay over naman sa epal.
Kaya ang nalalagay tuloy sa kontrobersiya ‘e ang ating Pangulo.
Isa na nga riyan, ‘yung sinabing project na mega drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija.
Mayroon kasing natapos na prison facility sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija na nagkakahalaga ng P50.2 milyon.
Naniniwala ang followers ni Pangulong Duterte na iyon ang sinasa-bing mega drug rehabilitation facility na project ng administrasyon.
Sabi naman ng followers ng PNoy administration, project pa iyon ng nakaraang administrasyon.
Pero sa totoo lang magkaiba talaga ‘yung P50.2-M prison facility sa mega drug rehab facility ni Pangulong Duterte.
Ang pareho lang dito, ‘yung lokasyon.
Pareho silang nasa loob ng Fort Magsaysay na matatagpuan sa mga teritoryo ng Laur, Palayan (Nueva Ecija); Bulacan at Aurora.
Ang Fort Magsaysay ang pinakalamaking military reservation sa bansa.
Kaya nga rito ang target ng gobyerno na ilipat ang National Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial, nitong July 2016 pa lang nila nilagdaan ng donor na si Huang Rolon ang deed of donation para sa mega drug rehab facility. Si Rolon ay isang Chinese philanthropist.
Kaya klaro na mayroon talagang project ang PNoy administration sa Fort Magsaysay habang doon din itatayo ang mega drug rehab facility ng Duterte administration.
Magkaiba nga lang ang pinanggalingan ng pondo. ‘Yung PNoy’s prison facility ‘e galing sa taxpayers’ money habang ‘yung mega drug rehab facility ay donasyon mula sa isang Chinese philanthropist.
Let us give credit where the credit is due, para walang gulo.
Hindi pa ‘yan, hindi ba’t maging si DPWH Secretary Mark Villar ‘e nagpa-photo op pa sa NAIA Skyway gayong totoo naman na ito ay project pa rin ni PNoy.
Sa ganang atin, hindi naman dapat magkaroon ng demarcation na project ni PNoy o project ni Digong…
Ang pinag-uusapan dito, pera ng bayan para sa bayan ang mga proyektong ‘yan.
Hindi ba puwedeng walang angkinan?
Dapat kung kapaki-pakinabang ang proyekto ituloy. Pero kung ginamit lang para sa “income-generating project” para sa sariling bulsa ng ilang opisyal ng pamahalaan, itigil at pag-isipan kung itutuloy ba o hindi ang proyekto habang tinatrabaho rin kung paano pananagutin ang mga dapat managot.
‘Yun lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap