ARESTADO ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ng tulong ng US-DEA, ang isang Venezuelan national sa pagpuslit sa bansa ng 4.3 kilo ng high-grade cocaine na nakatago sa loob ng sachets ng hair coloring solution.
Kinilala ng NAIA customs authorities sa pamumuno ni District Collector Ed Macabeo at X-ray Inspection Project (XIP) ang Venezuelan national na si Genesis Lorena Pineda Salazar, 20-anyos, dumating sa NAIA Terminal 3 lulan ng Emirates Air flight EK 332 mula Sao Paolo, Brazil via Dubai.
Inalerto ng Customs operatives at PDEA ang kanilang personnel makaraan makatanggap ng tip mula sa US-DEA na isang babaeng Venezuelan national ang darating via Dubai na may dalang hindi pa batid na dami ng illegal drugs.
Dumating ang Emi-rates Air mula Dubai sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dakong 4:30 pm.
Natagpuan ang cocaine sa loob ng sachets ng hair coloring solution na nakalagay sa check-in luggage ni Salazar, upang hindi makita ng X-ray inspectors.
Dinala na si Salazar sa NAIA para sa paghahain ng kaukulang kaso.
( JSY )