IPINAAARESTO na ng House committe on justice si Ronnie Dayan, ang sinasabing bagman at dating driver-bodyguard ni Senator Leila de Lima, makaraan ang bigong pagdalo sa pagdinig sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons.
Ang hakbang ay pinangunahan ni Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas at ito ay sinuportahan ng 12 mambabatas.
Noong Oktubre 1, pinadalhan ng subpoena si Dayan para dumalo sa pagdinig ngunit hindi siya sumipot.
Binigyan siya ng 24 oras para idepensa ang kanyang hindi pagdalo ngunit nagmatigas.
Para kay Dayan
NBP PROBE MULING BUBUKSAN
MULING bubuksan ng House committee on justice ang kanilang imbestigasyon hinggil sa drug trade sa New Bilibid Prison sakaling magpakita at maglahad ng kanyang testimonya ang dating driver ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan.
Ito ang pagtitiyak ni Justice committee chairman Rep. Reynaldo Umali kahit tinapos na ng kanyang pinamumunuan na komite ang kanilang pagsisiyasat sa isyu ng kalakaran ng droga sa Bilibid.
Habang inisyuhan ni Umali si Dayan ng contempt kamakalawa ng gabi makaraan isnabin ang subpoena at show cause order na kanilang ipinataw.
Kaakibat ng contempt order na kanilang inisyu ang pagpapakilos sa law enforcement agencies upang hanapin, dakpin at arestohin si Dayan.