Mukhang hindi consistent ang chair emeritus ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na si Donald Dee. Dapat daw ‘bunutin’ ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang Gabinete ang mga komunista na nagpapakalat at nang-iimpluwensiya umano ng kanilang ideolohiya imbes magtrabaho gaya ng paglikha ng maraming trabaho.
Inihayag ito ni Dee, matapos lumakas nag panawagan na wakasan ang talamak na contractualization o ENDO system na kinatigan naman ng Pangulo.
Hindi ba’t nagbanta pa ang Pangulo na ipasasara ang mga kompanyang hindi titigil sa pagpapatupad ng ENDO system sa pagpapa-empleyo?
Ang sabi, ang pinariringgan daw ni Dee ay sina Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello at Undesrecretary Joel Maglunsod, dating Anakpawis party-list representative.
‘Yung P125 across-the-board wage increase daw ay may implikasyon sa kalagayan ng mga negosyante.
Ang kuwentada ni Dee, 7.7 milyon daw ang bilang ng wage earners kaya kung ipatutupad ang P125 across-the-board wage increase, nanganghulugan umano ‘yan ng halos P1 bilyong dagdag sa gastos ng mga negosyante sa bawat araw.
Magiging triple rin daw ang inflation hanggang 6.5 percent. Maliwanag umano na hindi man lang inisip ng ‘kaliwa’ kung ano ang magiging epekto sa buhay ng tricycle driver at iba pang self-employed (as in jobless madalas, at may job paminsan-minsan?) kung tataas ang inflation.
Bintang ni Dee, hindi ipinalalaganap ng leftist group ang patakaran ng Pangulo sa paglikha ng mga trabaho kundi ang sarili nilang pilosopiya.
Abangan nga natin ‘yan sa 100 days report ng Pangulo lalo sa report ng DOLE.
Pero ang hindi natin maintindihan, kontra nang kontra si Dee pero ‘yung grupo daw nila ay sila mismo ang nagpupulis.
Ang hindi raw tumupad sa patakaran ng Pangulo na wakasan ang ENDO system sa pag-i-empleyo ay kanilang tinatanggal sa kanilang grupo sa ECOP Management Association of the Philippines (MAP).
‘E ‘yun naman pala, puwede naman palang gawin na huwag nang ipatupad ang ENDO system, e bakit hinintay pa ng ECOP at MAP na amging presidente ang isang gaya ni Digong bago nila itigil ang labor practice na alam nilang mali?!
Hindi kaya galit lang si Dee sa leftist group dahil kinatigan ng Pangulo ang kanilang panawagan?!
Ano sa palagay ninyo mga suki?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap