Halos dalawang linggo nang naglalakad ang aming lay-out artist na si Lani Cunanan para sa pagpapauwi ng bangkay ng kanyang asawang si Rodel Cunanan.
Halos limang taon nang nagtatrabaho si Rodel sa Saudi Arabia, pero nitong Setyembre 26, isang masamang balita ang natanggap ni Lani.
Inatake sa puso ang kanyang asawa habang nasa trabaho.
Agad nagpunta si Lani sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa OWWA para alamin ang proseso ng pagpapauwi sa bangkay ng kanyang asawa.
Mahirap ilarawan ang kalagayan ni Lani. Isang ina na nagtatrabaho, may domestic task, nag-aasikaso ng dalawang anak at ngayon ay nadagdagan pa dahil kailangan niyang makapunta sa iba’t ibang tanggapan ng ating pamahalaan para maiuwi ang bangkay ng asawa.
Sa pagitan ng mga nasabing tungkulin at gawain, hindi malaman ni Lani kung paano niya maisisingit ang kanyang pagdadalamhati at pagluluksa.
Hindi naman puwedeng umiyak nang umiyak lang siya.
Sa huling pagtawag niya sa DFA, sinigawan pa siya ng taong kausap niya, na isa pa namang babae.
Sonabagan!!!
Kahapon, nagkaroon nang pagkakataon si Lani na makausap si Labor Secretary Bebot Bello.
Pansamantalang nakasilip ng pag-asa si Lani.
At sa konting pag-asang nasilip niya, umaasa kami at si Lani na hindi maglalaon ay maiuuwi na ang bangkay ng kanyang asawang si Rodel.
Ngayon pa lang, nagpapaabot na kami ng pasasalamat kay Secretary Bebot Bello.
Salamat po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com