US military exercises sa PH seryosong tapusin ni Pres. Digong
Jerry Yap
October 1, 2016
Opinion
THIS time, seryoso si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na tapusin ang pisikal na pakikialam ng Estados Unidos sa ating bansa sa pamamagitan nang tuluyang pagpapatalsik sa US military exercises sa Mindanao o ‘yung Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Para kay Digong, ito ang pisikal na dominasyon ng mga Kano sa ating bansa.
Aniya, “I would serve notice to you now that this will be the last military exercise. Jointly, Philippines-US, the last one. Ayaw ko lang mapahiya si Defense Secretary ko.”
Marami tayong nakakausap na mga beteranong reporter, at ngayon lang sila talaga nakakita ng presidente ng bansa na determinado sa kanyang paninidigan.
Hindi nga naman ibig sabihin nito na puputulin niya ang pakikipag-alyansa ng Filipinas sa Estados Unidos. Ang ibig lang niyang sabihin, hindi talaga magandang tingnan na mayroong puwersang Amerikano na nakikialam sa kampanya ng gobyerno laban sa mga teroristang Abu Sayaff.
Dahil kahit mga terorista ‘yun, e mga Filipino din sila.
“So I’m serving notice now to the Americans and to those who are allies: I will maintain the military alliance because there is an RP-US Pact which our countries signed in the early ‘50s. But I will establish new alliances for trade and commerce and you are scheduled to hold war games again, which China does not want,” ‘yan ang pahayag ng Pangulo.
Kasabay nito, nanindigan din si Digong na hindi niya pahihintulutan ang paglahok ng Philippine Navy warship sa joint patrol sa South China kasama ang US.
“Then I will not join any patrol in the China Sea na ships belong—gray ships — gray ships ba ‘yung battle na ships — ang white is the Coast Guard. Ang war ship, they call it the gray ship. There will never be an occasion that I will send the gray ships there. Not because I am afraid, not because takot ako.”
Klaro ‘yang pahayag na ‘yan ng Pangulo.
Kapag naipatupad ito, naniniwala ang inyong lingkod na magiging mabilis ang pagusulong ng peace talks na masasabi nating isa sa malaking achievement ng gobyernong Duterte.
Wala nang kaiga-igayang pakiramdam para sa nalalapit na Kapaskuhan kundi ang maaninaw ang liwanag sa dulo ng isang lungga — at ‘yun ang liwanag na simbolo ng nalalapit na kaayusan sa bansa.
Harinawa…
EXPIRED NA MAMON IPINAKAIN
SA ISANG BUS NA SENATE MEDIA
NG PR NI SEN. WIN GATCHALIAN
Iniismol ba ng PR team ng Department of Energy (DOE) at tanggapan ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga katoto natin sa media?!
Isang sumbong ang natanggap natin mula sa Senate media (hindi galing sa reporter at photographer ng pahayagang ito) na bukod sa inubos ang oras nila, ginutom at pinakain sila ng expired na pagkain ng PR team ni Senator Sherwin Gatchalian at ng DOE.
Expired na Mamon with pineapple juice and bottled water na supposedly ay dinner na…
Ganyan din ba ang dinner ng PR team ni Gatchalian nang gabing iyon?
Nangyari po iyan noong Setyembre nang dalhin sila sa Morong, Bataan para ipakita ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na pinagtatalunan ngayon kung paaandarin ba o tuluyan nang gagawing ‘white elephant’ sa tuktok ng sabi ay daan-daan taon nang natutulog na bulkan — Mt. Natib.
Huwag na natin pag-usapan kung itutuloy ba ‘yan o hindi…
Ang gusto nating sabihin, bakit may mga umeepal na PR groups na ginagawang timawa ang mga lehitimong media men.
Bakit ba, mga mambabatas ang nagsasalita kung itutuloy o hindi ang operation ng BNPP?
Mga scientist ba sila o nuclear engineer kaya, para sila ang magsalita para riyan?!
Napag-aralan ba nila nang husto ang pros and cons niyan?!
At bakit kailangang may PR?!
Grabe!
Ngayon pa lang nakikita na natin na parang gustong bumaha ng kuwarta sa usapin pa lang kung itutuloy o hindi?!
Puwede ba, magsalita ang dapat magsalita?!
Parang dinidiktahan lang ng mga senador na ipi-nangba-blackmail ang budget para sa DOE?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap