Mabilis at libreng wi-fi sa NAIA natupad rin sa wakas
Jerry Yap
September 26, 2016
Opinion
KUNG hindi pa nagpalit ng administrasyon, e baka hanggang ngayon ay konsumido ang mga pasahero sa paggamit ng libreng wi-fi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Noong nakaraang administrasyon kapag nasa NAIA mabilis na nasasagap ng smart phones ang signal ng wi-fi.
Nakatutuwa nga sana kasi walang password.
‘Yun nga lang kahit sinasabing connected ka na sa NAIA wi-fi ‘e ubod nang kupad.
Sa sobrang kupad nga ‘e mas mabuti pang mag-data na lang o kaya ay gamitin mo ang sarili ninyong wi-fi o kaya ay ‘yung network ninyo mismo.
Ngayon, kitang-kita natin ang tuwa sa mukha ng mga pasahero dahil awtomatikong nakokonek sila sa NAIA wi-fi na nagagamit nang maayos kapag nasa airport sila.
Sa nakikita nating maayos na takbo ngayon ng NAIA terminals sa ilalim ng pamamahala ni MIAA GM Ed Monreal ay hindi malayong matanggal na ang bansag na isa tayo sa worst airport in the world.
Mantakin ninyong anim na taon binulok ng dating administrasyon ang NAIA. Kung hindi pa sila napalitan ‘e hindi magiging maayos ang iba’t ibang sistema sa NAIA.
Iba ang malasakit na ipinakikita ng Duterte administration, partikular ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal.
Dapat siguro ‘e ipa-lifestyle check ang mga dating namahala riyan, lalo ‘yung nagpakawala nang halos P1 bilyon pondo para sa rehabilitasyon ng NAIA terminal 1 pero mukhang ginawang ‘baon’ sa pagtatapos ng kanilang administrasyon.
Pati na ang sandamakmak na food concession ni Simon Wong sa NAIA terminals.
Kahit itanong pa ninyo kay Atty. Bobilla!
Walang takot sa karma.
Tsk tsk tsk…
Kaya naman sa pagtatapos ng kanilang termino ‘e super kapal ang bulsa ng mga walanghiya!
Kaya nga nabansagan tayong worst airport ‘e dahil ang namamahala noon ay worst manager?!
HARI NG SAKLA SA KYUSI
KALADKAD SI MAYOR HERBERT
BAUTISTA AT KERNEL CAMPO
KANINO kaya nanghihiram ng tapang at kapal ng mukha ang isang alyas JM at talagang todo-largado ang kanyang operasyon ng sakla sa buong Quezon City?
Binansagan na nga ‘yang si alyas JM bilang “hari ng sakla” sa Quezon City na walang ibang ipinagmamalaki at inini-namedrop kung hindi si Mayor Herbert “Bistek” Bautista at Kernel Rogart Campo.
Dalawang magic words daw ‘yan kaya walang nakikialam sa operasyon ng sakla ni alyas JM sa Baesa, Balintawak, Bahay Toro, Sauyo, Sangandaan, NEPA Q Mart, Cubao at La Loma.
Aba Mayor Bistek, Kernel Campo, alam ba ninyo ang pinaggagagawang katarantaduhan na ‘yan ni alyas JM!?
O baka naman puro bukol na kayo?!
Pero kung bukol-bukol na kayo, bakit hindi kayo kumikibo?!
Nagkaayos na ba kayo?!
Pakisagot na nga!
PISO HUMIHINA KONTRA DOLYAR
Halos magsara na sa P48 ang isang dolyar nitong Huwebes ng gabi.
Marami ang nangangamba na kung hindi magbabago ang trend ay baka umabot pa ng P50 ang isang dolyar hanggang sa Disyembre.
Arayku!
Tiyak na magtataasan din ang mga bilihin lalo na ang krudo at langis dahil marami tayong pangangailangan na nakatali sa dolyar ang sistema ng pangangalakal.
Ano ang ginagawa ng mga economic manager ng administrasyon ni Duterte?
Hindi ba dapat ay nagagamit nilang pang-engganyo sa mga mangangalakal ang ginagawang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kriminal?
Kung anong sigasig ng Pangulo na bigyan ng seguridad ang mga kababayan natin laban sa masasamang loob, dapat ay ganoon din sila kasigla sa pagpapaliwanag na walang dapat ikabahala ang mga investor.
Huwag sanang hayaan ng mga economic manager ni Digong na daigin sila ng maigting na kampanya laban sa mga kriminal tungo sa kapayapaan.
Hindi ba’t dapat ay magpokus sila sa tungkulin nila sa pag-aalalay sa ating ekonomiya?!
Attention, Finance Secretary Sonny Dominguez!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap