NAKATUTUWA si Alora Sasam na kasama nina Alex Gonzaga at Joseph Marco sa pelikulang My Rebound Girl na produced ng Regal Entertainment na idinirehe ni Emmanuel de la Cruz dahil idinadaan na lang niya sa biro ang mga sagot na hindi pa siya nagkaka-boyfriend simula nang ipanganak siya.
Baka kasi walang oras mag-entertain si Alora dahil sa apat na taon palang niya sa showbiz ay napakarami na niyang naging projects tulad ng The Bride and the Lover, 2013 nina Lovi Poe, Paulo Avelino, at Jennylyn Mercado; Regal Shocker TV series, 2012; Dilim nina Rayver Cruz at Kylie Padilla, 2014 na pawang produced ng Regal Films.
Napanood din siya sa Ekstra ni Batangas Congresswoman Vilma Santos-Recto, 2013 at sa Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo (Star Cinema) 2013.
Kaliwa’t kanan din ang TV projects ni Alora tulad ng Wansapanataym simula 2013-2016; Luv U episodes 2013-2016; Ipaglaban Mo, 2014; Mirabella, 2014, at Maalaala Mo Kaya, 2016.
Kasama rin ang dalaga sa Pamilya Ordinaryo na nakakuha ng maraming awards sa Cinemalaya 2016.
Hindi man bida si Alora sa mga nagawa niyang proyekto ay okay lang daw dahil naniniwala siyang darating din ang tamang panahon.
Suwete si Alora sa career, pero parang hindi naman siya suwerte sa love life.
Kuwento nga ni Alora sa presscon ng My Rebound Girl, “no boyfriend po talaga since birth, kahit nga ma-rebound man lang wala talaga.”
Halos lahat ng kaibigan ni Alora ay may boyfriend na, wala ba siyang nararamdamang inggit?
“Naku, sa Facebook palang (nakikita), sila (mga kaibigan), nakaka-tatlong anak na, at ‘yung iba may nagpa-ultra sound pa, ako ni first kiss wala pa.
“May inggit pero sa totoo lang, hindi pa priority talaga, ha, ha, ha ganoon na lang nasabi ko ‘no? Walang choice, eh. Mahirap maging babae kasi naghihintay ka (manliligaw) lalo na sa culture natin na ang babae ang lalapit.
“Kung naging lalaki ako, matagal na ako sigurong may dyowa. Kaya ang hirap talaga, kasi ‘yung mga nagugustuhan ko, walang gusto (sa akin), alam mo ‘yun?” pabirong sabi ng komedyana.
Nasubukan naman daw ng komedyana na siya na mismo ang magparamdam sa crush niya.
“Na-try ko naman ko sa crush ko, dinadaan ko sa Facebook, pini-PM (private message) ko, sabi ko, ‘hi’ ganyan, pero mga two-days na siyang online, seen-zone pa rin ako, ha, ha, ha. Medyo may pride naman ako kaya tama na ‘yung ‘hi’ muna,” pag-amin nito.
Optimistic naman daw si Alora na may pag-asang magkakaroon siya ng boyfriend tulad ng peg niyang si Pokwang, “hindi naman kasi mayroon namang mamang Pokie (Pokwang) na idol ko rin na pinaghuhugutan ko rin ng lakas, kasi nakahanap na si mamang, sana makahanap din ako.
“Ang sabi nila, baka raw foreigner ang bagay sa akin, medyo choosy ang Pinoy (guys), sa foreigner, maganda ako, exotic, kaso nandito ang trabaho, hindi naman ako makapag-travel kaya ipon muna, tapos travel at saka lovelife, charing,” pahayag ng komedyana.
FACT SHEET – Reggee Bonoan