INIREKOMENDA ni Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo ng Komis-yon sa Wikang Filipino (KWF) Virgilio Almario na dalasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasalita sa wikang Filipino, sa isang panayam na isinagawa sa Unibersidad ng Pilipinas sa Quezon City kamakalawa.
“Sino ba ang naka-misinterpret sa kanya? Sa tingin ko iyon naman ang natural niya. May iba-iba lang talagang reaksiyon ang tao, positibo at negatibo.”
Ito ang naging sagot ni Almario nang tanungin kung may nakikita siyang problema sa paggamit sa wika ni Duterte dahilan para ma-dalas siyang hindi maintindihan, o maintindihan man ay sa maling perspektibo.
Sa mga nakalipas na buwan ay maraming naging isyu tungkol sa pananalita ng pangulo ng bansa.
Ayon sa kanyang mga communications officer, maraming pagkakataon na ang pangulo ay “taken out of the context.”
Nitong nakaraang linggo, naging maingay ang kanselasyon ni US President Barack Obama sa nakatakdang pulong nila ni Duterte sa ASEAN Summit sa Laos.
Sinabing ang kanselasyon ay resulta ng sagot ni Duterte sa isang news reporter nang tanungin siya kung ano ang sasabihin niya kapag sinita siya ni Obama sa isyu ng extrajudicial killings na nagaganap kaugnay ng maigting na kampanya sa ilegal na droga.
“Kung may maipapayo man ako sa kanya, iyon ay ‘yung paggamit niya nang mas madalas, sa wikang Filipino,” suhestiyon ni Almario.
Sa huli ay nagbiro si Almario at sina-bing,
“Ngayon kung ayaw niya talagang maintindihan ng mga Amerikano, gumamit siya ng wikang Filipino.”
nina Kimbee Yabut at Julyn Formaran