‘Retrofitting’ ba o relokasyon ang gagawin sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital?
Jerry Yap
June 10, 2016
Opinion
TINGNAN n’yo naman sa term pa lang medyo, hindi na mailarawan at hindi masyadong klaro kung ano talaga ng magiging resulta ng P300-milyones na ‘RETROFITTING PROJECT’ ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.
Kilala po ang nasabing ospital sa tawag na Fabella at malamang, marami po sa ating mga kababayan ang ipinanganak doon.
Lohikal ang lahat ng rason ni DOH Secretary Janet Loreto Garin.
Sabi niya: “Hindi puwedeng hintayin ‘yung bagong building. Manganganak at manganganak ‘yung mga pasyente. We have students there, we have residents there, trainees there. It’s a teaching and training hospital. Hindi puwedeng ihinto ang kanilang training.
“We are bound by rules and we are bound by laws. Gagawin namin at gagawin ko ang lahat ng makakayanan ko, pero merong mga hangganan,” dagdag pa ni Secreatary Garin.
Tama naman ‘yung sinasabi niya, ‘di ba?!
Logical naman ‘yun.
Pero ang tanong nga natin dito, ano ang magiging sistema hangga’t ginagawa ang Fabella hospital?
Ang sabi ni Secretary Garin, doon muna ipapasa o ire-refer ang mga pasyente sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC), sa Philippine General Hospital (PGH) o kaya sa OPD ng Fabella sa Quezon City.
Oo nga, siyempre, walang magagawa ang mga pasyenteng manganganak o buntis kaya awtomatikong lilipat sila sa iba pang pampublikong ospital.
Kaya ang tanong ulit, kapag lumipat na sila sa mga nasabing ospital, masisiguro ba na mabibigyan sila ng serbisyong para lamang sa isang manganganak at ang gastos ay gaya rin sa Fabella hospital?!
Hindi ba’t madalas rin maitaboy ang mga manganganak na nagpupunta sa JRMMC at sa ibang ospital dahil sasabihin infected daw ang nursery nila?!
Kaya nga nagsiksikan lahat sa Fabella ang mga nanganganak kasi ayaw na nilang magbakasakali pa sa ibang ospital dahil tiyak palilipatin sila.
At ‘yan po ang malinaw na malaking kuwestiyon, Secretary Garin, ano ang mangyayari sa mga pasyente habang ginagawa ang Fabella?!
Wala bang alternatibong eksaktong lugar o gusali na puwedeng doon muna sila pumunta at doon manganak?
Sabi ninyo, hindi magiging pribado ang Fabella at mananatiling abot-kaya ang babayaran ng mga mahihirap nating kababayan na nanganganak diyan at iba pang OB-Gyne cases na ginagawa sa nasabing ospital.
Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), nagseserbisyo ang Fabella sa 2,000 inpatients & outpatients araw-araw. Sa mga pangkaraniwang araw, ang mga pangunahing departmento ay nagseserbisyo sa 150 outpatient para sa pediatrics; obstetrics, 200 patients; gynecology, 50-100 patients; in patient pediatrics, 95 patients; NICU, 30-60 babies; at post abortal, 12 patients. Hindi pa rin nabubura ang rekord na 15 deliveries sa caesarian section at 35 normal spontaneous deliveries araw-araw.
Sa loob ng tatlong taon na sabi nga ninyo ay retrofitting ng Fabella, saan pupunta ang mga nabanggit na pasyente para matiyak na mabibigyan sila ng maayos na serbisyo pero hindi gagastos nang malaki?!
Kailangan lang po ng eksaktong sagot, Secretary Garin. Kung nakapagpapalabas kayo ng ads sa telebisyon tungkol sa mga paborito ninyong proyekto gaya ng mga bakuna-bakuna, bakit hindi kayo nakapaglabas ng ads sa telebisyon tungkol sa nangyayari sa Fabella para malinawan ng mamamayan.
Bakit mismong mga empleyado ng Fabella ay nalilito?
Ang alam nila, ide-demolish at ia-abolish ang Fabella hospital at hindi alam kung saan ililipat.
Kaya nga nagpoprotesta ang mga empleyado,‘di ba? Kasi wala kayong eksaktong sagot kung saan sila mapupunta at ano na ang mangyayari sa trabaho nila.
‘Yung sinasabi ninyong misinformation, sa inyo mismo nanggagaling iyon, Secretary Garin. Kasi hindi ninyo tinitiyak sa mga empleyado, sa mga estudyante, resident doctors, trainees at iba pa kung ano ang mangyayari sa kanila kapag giniba at ginawa na ang Fabella.
Tapos may sinasabi pa kayong ang kinatatayuan ngayon ng Fabella ay pag-aari ng Home Guaranty Corp. (HGC) at hindi ng DOH.
Klaro ang pahayag ninyo Madam, “Ang lupa ng Fabella, hindi (siya) pag-aari ng DOH at dalawang beses nang ibinenta, nagkasanglaan, marami nang nangyari diyan. There’s a huge legal burden in so far as the land on which Fabella exists.”
At ‘yan ang hindi klaro sa publiko, Madam Garin, sabi ninyo retrofitting lang, e bakit parang may bahid sa mga pahayag ninyo na tuluyan nang naibenta ang Fabella?
Tama kayo, hindi magiging privatized at lalong hindi magiging GOCC (Government Owned and Control Corporation) kasi nga hindi naman sa DOH ‘yung lupa.
Kung hindi pag-aari ng DOH ang lupa, bakit naglaan ng P1.617 bilyones para sa pagtatayo pa umano ng bagong Fabella building!?
Sino ba talaga ng nililito ninyo, Ate?
Ang mga pasyente o ang bagong administrasyon?
Ang daming isyung pinag-uusapan sa Fabella Secretary Garin, pero wala kayong maibigay na tamang sagot.
Miscommunication ba talaga ‘yan o sinasadyang misinformation para malito ang mamamayan?!
Pakisagot na nga Secretary Garin!
Shoot-to-kill sa riding in-tandem
Kung papayagan na rin lang naman talaga ‘yung maya’t maya ay mayroong tumitimbuwang, aba, isama na riyan ng Duterte administration ang riding-in-tandem.
Ang pinakahuling insidente na hindi natin malimutan ‘e ‘yung estudyanteng inagawan ng bag diyan sa Taft Ave., malapit sa UN Ave., at nabagok ang ulo na ikinamatay niya.
May isang insidente naman, na cellphone lang ang aagawin ay binaril pa ang biktima.
Sonabagan!!!
Hindi ba dapat, ganyan ang mga unang sino-shoot-to-kill, President Digong?
Tiyak na maraming matutuwa kapag ‘yan ang pinuruhan, mga halang ang kaluluwa na riding-in-tandem!
Incoming PNP chief, Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa puwede bang ‘yan kaagad ang isamang sampolan, mga demonyong riding-in-tandem?!
Tiyak marami ang magpapalakpakan!
‘Politika’ ba ang rason sa mga sinibak na MTPB?
Maraming traffic aide ng Manila Traffic & ‘PARATING’ ‘este’ Parking Bureau (MTPB) ang umiiyak ngayon dahil tila hindi makatwiran ang ginawang pagsibak kamakailan sa kanila!?
Ang ilan daw sa finish contract ay mahigit 8-10 taon nang nagseserbisyo sa MTPB.
Sa madaling sabi, administrasyon pa pala ni Mayor Lim ay nandiyan na sila.
Sila ‘yung mga natapon sa kangkungan at naging probation nang unang maupo si Yorme ‘bigote’ sa city hall.
Hindi pinaporma at pinagbawalan pa umanong manghuli ng motorista.
Pero ang masakit ngayon, sa ikalawang termino ni Yorme Erap ay tuluyan na silang tinagpas sa MTPB.
Tsk tsk tsk…
Ang naiwan ay matatalas at matatalim na kolektong at orbitero sa mga illegal terminal sa lungsod ng Maynila.
Tanong nga ng mga nasibak na MTPB personnel, “Masama ba ang loob at malaki ang galit ni Mayor Erap sa mga empleyadong naiwan sa administrasyon ni Lim?”
“Alam daw kasi ni Mayor Erap na hindi siya ang ibinoto namin. Kailan kaya matatapos ang pagbebengga ni Yorme?” hinaing ng isang sinibak na MTPB.
Weder-weder lang talaga…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com