MAPAPANOOD ngayong gabi (Linggo) ang Wansapanataym Presents: Just Got Laki episode nina JC de Vera at Jessy Mendiola mula sa Dreamscape Entertainment na ididirehe naman nina Allan Chanliongco at Jojo Saguin.
Ayon kina Jessy at JC sa presscon na ginanap sa Clean Plate Restaurant by Twist sa Trinoma Mall, tungkol sa batang lalaki na gusto na kaagad magbinata pero isip bata ang istorya ng episode ng Wansapanataym .
“Character base ito, katawan ng isang matandang tao, pero isip bata,” sabi ni JC.
Kuwento ni Macky (Raikko Mateo) na isang batang kinaiinggitan ang kalayaan ng kanyang kuya at lubos na pinaghihigpitan ng kanyang ina dahil sa murang edad. Ngunit sa tulong ng isang magic candy, matutupad ang kanyang kahilingang maging binata at magawa ang anumang naisin ng walang pahintulot ng kanyang ina.
At bilang binatang Macky (JC), matatamasa niya ang inaasam niyang kalayaan at maglalakas-loob na magpakilala kay Ysabel (Jessy), ang babaeng matagal nang hinahangaan.
Pero hindi magiging sapat para sa kanya ang isang araw ng pagtanda kaya naman aabusuhin niya ang pagkain ng magic candy na magiging dahilan para hindi na siya makabalik pa sa pagiging bata.
Ang Peg ng Just Got Laki ay ang pelikulang Big nina Tom Hanks at Elizabeth Perkins na ipinalabas noong 1988.
Sa nasabing presscon ay inamin nina JC at Jessy na pagkatapos ng You’re My Home teleserye ay nagsabi sila sa isa’t isa na sana magkaroon sila ulit ng project na dalawa.
Kuwento ng aktres, ”komportable po kami kasi sa isa’t isa, sayang naman po kung hindi makikita ng ibang tao kung ano pa ‘yung kayang gawin naming magkasama, na-try na namin ang drama, so inisip namin kung romantic comedy naman kaya (susunod na project), so marami po talaga kaming napag-usapan (JC) at isa na nga po ‘yung sa music video niya.
“Masarap talaga sa pakiramdam na mayroon kang katrabaho na komportable ka, walang issues, ‘pag nasa work lang kayo walang ibang iniisip na iba, so alam mo ‘yun. Any projects siguro with Jessy will do,” saad naman ng aktor.
Sa parating pagkikita nina JC at Jessy sa telebisyon tulad sa Banana Sundae ay napag-alamang mayroong namumuong romansa bagay na ikinatawa lang ng dalawa.
“Uy, luma-loveteam tayo, hindi namin expected na marami kaming followings, maraming fans tapos all ages pa, may mga bata, matanda, teens, daddies, mommies ganoon. Siguro kasi dahil sa ‘You’re My Home’ kaya ganoon.
“Tapos matagal na kaming hindi nakikita sa ganoon kaya kinakabahan kami kung magugustuhan ng mga tao ito (‘Just Got Laki’) so, naroon ‘yung gustong-gusto nating pagandahin. So we’re doing this for the show not only for the team-up,”kuwento ni Jessy.
Ano ang nakilala nila sa isa’t isa, ”slowly, nakikilala namin ang isa’t isa. Nagkukuwentuhan kami lagi. Hindi ko pa siya gaanong kilala, ‘yung lalim makikita ko na lang siguro sa journey ng work namin (‘Just Got Laki’),”paliwanag ni JC.
Pahayag ni Jessy, ”workaholic po siya (JC), so araw-araw kaming nagkikita kasi pareho naming tinanggap ‘yung mga offer sa amin.”
At dahil pareho silang single may posibilidad ba na magkaligawan pagdating ng araw? ”Hindi natin alam, parang feeling ko, matagal pa ‘yung pagsasama namin,” hirit naman ni JC, ”nagpi-pray pa kami ng marami-raming projects pa.”
“Itong ‘Wansapanataym’, parang getaway lang para ma-explore pa ang partnership namin, maybe project next ibang genre naman, ngayon talaga, wala, eh, masaya lang talaga kami at pinag-usapan namin ay work” katwiran ni JC.
“At saka kung hinaluan mo ng lalampas pa roon hindi na magiging maganda ‘pag nagkaroon ng nag-aaway,” katwiran ng aktres.
At may respeto sila sa isa’t isa lalo na kapag pareho silang wala sa mood ay deadma raw sila.
Paano kung isang araw biglang manligaw si JC kay Jessy, ”ay magugulat ako,”tumawang sabi ng aktres.
Boyfriend material ba si JC? ”Oo naman, si JC ay boyfriend material, even husband material din, (nagkahiyawan ang lahat), totoo nga, I think kaya ko nasabi ‘yun kasi minsan may days na super-down siya at nilalapitan ko para tanungin ko, sabi niya, ‘may problema kasi kami sa Burgery ganyan-ganyan’.
“Alam mo ‘yung responsibility, alam niya kung paano hatiin kung ano ‘yung dito (showbiz) at ‘yung diyan (business side), kumbaga alam niya ang multi-tasking and that’s very important for a boyfriend or a husband.
“Dapat naman talaga sa girls ang maging boyfriend or husband ay responsible person. Imagine kung may pamilya na siya at may trabaho, nagagawa niyang hatiin, it’s not an easy task,” papuri ni Jessy sa aktor.
Girlfriend material ba si Jessy para kay JC? ”Ang napansin ko kay Jessy is she knows what she wants, alam niya kung saan siya papunta, clear sa kanya kung ano ‘yung gusto niyang ma-achieve in 5 to 10 years, masaya siya. Nag-o-observe ako sa kanya, pinapanood ko lang siya at siyempre mas nakikilalala ko na siya ng deeper. Kaya siguro kami komportable kasi alam namin kung paano tantiyahin ang isa’t isa,” kuwento ng aktor.
Samantala, bukod kina JC at Jessy ay kasama rin sa Wansapanataym Presents: Just Got Laki sina Angel Aquino, Albie Casiño, Nico Antonio, at Nicco Manalomula sa panulat ni Noreen Capili.
Huwag palampasin ang mga eksenang kapupulutan ng aral sa Wansapanataym Presents: Just Got Laki ngayong Linggo sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
FACT SHEET – Reggee Bonoan