PINAYUHAN ng Pasay City Police ang publiko na maging maingat kaugnay sa pagkalat ng mga pekeng pera sa nalalapit na eleksiyon, makaraan makompiskahan ang isang Haponesa at ang kanyang live-in partner na Filipino ng fake na P500 bill na ipinambayad sa biniling T-shirts sa isang tindahan sa lungsod kamakalawa.
Nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek na sina Yuki Koguchi, 24, tubong Tokyo, Japan, at Abdul Said Datumanong, 22, ng Sitio Imelda, Taguig City.
Sa natanggap na ulat ni Pasay Police chief, Senior Supt. Joel Doria, hinuli ng mga barangay tanod ang dalawang suspek sa Baclaran Market,Taft Avenue Extension dakong 8:35 p.m. kamakalawa.
Ayon sa ulat, bumili ang mag-live in partner ng dalawang T-shirts na nagkakahalaga ng P150 sa tindahin ni Lucita Taganos, 44, at ibinayad ang P500 ngunit napansin ni Taganos na may kakaiba sa perang iniabot sa kanya ng dalawa.
Bunsod nito, agad humingi ng tulong si Taganos sa tanod na si Rasul Sultan na agad dinala ang mga suspek sa barangay hall at pagkaraan ay dinala sa Pasay City Police.
Nakompiska mula sa mga suspek ang mga pekeng P500 bill na umaabot sa halagang P10,000.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong illegal possession and used of false treasury or Bank Notes and other instrument of credits, at paglabag sa Article 318 (Other Deceits) ng Revised Penal Code sa Pasay Prosecutor’s Office.