POSIBLENG madiin sa mga asuntong kinakaharap ang nasakoteng serial rapist na taxi driver nang tumugma ang ballistic at DNA tests sa nakuhang bahid ng dugo mula sa mga naging biktima niya, kabilang ang pagpaslang sa biyuda ng isang musikero, pamamaril at pagholdap sa isang 17-anyos freelance therapist sa Makati City.
Ayon kay Makati City Police Homicide Section investigator PO3 Ronaldo Villaranda, ang suspek na si Nitro Izon, alyas Ricky Ramos, 24, ang itinurong responsable sa pagpatay at pagholdap sa biktimang si Teng Santaromana Gamboa, biyuda ng musikero at bokalista ng Tropical Depression na si Dominic “Papa Dom” Gamboa, nang tumugma ang resulta ng test sa nakalap na bahid ng dugo sa sinakyan niyang taxi.
Tumugma rin kay Izon ang bahid ng dugong nakuha mula sa isa pa niyang biktimang si Daniel Mercado, 17, freelance therapist, hinoldap at binaril niya noong Marso 21 sa Malugay St., Brgy. Bel Air, Makati City.
Kahapon lumutang sa Makati City Police headquarters ang isa sa mga driver ng mga taxi na kinarnap ni Izon at ginamit sa pagholdap at pag-rape sa ilang biktima.
Nasakote si Izon noong Abril 14 ng mga pulis sa San Miguel Bulacan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Makati at Manila Regional Trial Court.
Samantala, pinapurihan ni Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña Jr., ang pamunuan ng Makati City Police sa pag-aresto sa ‘serial rapist taxi driver’ na si Izon.