Super rich na ba si Tata Rik? (Cannot be reached na…)
Bong Ramos
April 16, 2016
Opinion
‘YAN ang mga alingasngas laban sa isang Tata Rik.
Hindi ka na raw ma-reach ng ilan sa mga kaibigan mo dahil sa ikaw daw ay masyado nang rich?
Para sa inyong kaalaman, si Tata Rik ay isang matikas at maimpluwensiyang pulis bagama’t kareretiro lang niya noong nakaraang taon ay hindi pa rin nawawala ang kanyang asim.
Mantakin ninyo na siya umano ang may tangan at nagdadala ng martsa sa Manila Police District (MPD)- Station 7 sa Jose Abad Santos Ave., sa Tondo, Manila at MPD Station 6 sa Sta. Ana, Manila. Bukod pa rito, hawak pa rin niya ang District Special Operation Unit (DSOU) na sinasabing maselang departamento sa MPD headquarters sa United Nations Ave.
Kung tawagin ang departamentong ito ay ‘pang-kalahatan’ na ang ibig sabihin ay sakop nito ang buong Maynila partikular ang lahat ng vices at ano man aktibidad na illegal.
Sa mga presintong nabanggit at sa DSOU, siya ang itinuturong enkargado o mas naiintindihan natin sa titulong BAGMAN.
Halos dalawang dekada nating nasubaybayan si Shornak na walang kaduda-dudang isang magaling, matikas at mabuting operatiba noong mga araw niya sa Theft And Robbery Section ng MPD na noong dati’y Western Police District (WPD) pa ang tawag.
Napakaraming kaso na kanyang nalutas at lalong maraming tao ang natulungan. Dito rin siya umani at nakapagtaguyod ng mga kaibigan.
Ngunit sa pagtining ng panahon na kasalukuyang ginagalawan niya, para bagang siya ay naging malamig, naging mailap at halos wala nang mga taong hinaharap.
Ito kaya’y sanhi ng kanyang posisyong BAGMAN?
Sa aking panig ay malapit sa katotohanan na malaki nga ang ipinagbago ni Tata Rik dahil maraming beses na natin siyang tinawagan ngunit ang palaging reply ay “cannot be reach.” Maraming beses na rin na kami’y nagbilin sa kanyang mga tauhan na baka puwedeng mapag-ukulan niya tayo maski na ilan oras lang o minuto ng kanyang panahon, negative rin.
Kagulat-gulat ang naging estilo ng ating kaibigan na dati’y ating kadaop-palad, kasama nating kumakain sa isang pinggan, umiinom sa sa iisang baso.
Down to earth siya noong araw.
Pero ngayon ay mukhang above the entire universe na siya.
Alam mo Tata Rik, masaya kaming mga kaibigan mo sa iyong kasalukuyang estado. Sana’y mapanatili mo ito.
Isipin mo rin sana na walang permanente sa mundong ito.
Wala naman kaming ibang hinahangad kundi ang panunumbalik ng iyong dating pagkatao at samahan natin nang makilala ka namin noong araw, ang totoong Rik Shornak.
Sana’y mali ang aming mga sapantaha na ikaw ay hindi na ma-reach dahil sobrang ‘rich’ ka na.
Asset ng MPD Station 6, inilaglag na!
Iniwanan daw sa ere ng mga opisyal at mga operatiba ng MPD-Station 6 ang kanilang asset matapos pakinabangan sa pagtuturo ng mga drug-pusher sa mga barangay sa Sta. Ana, Manila.
Mangiyak-ngiyak ang sinasabing police informer habang nagsasaad ng kanyang naging karanasan bilang isang asset ng mga pulis sa nasabing lugar.
Si Eddie (hindi tunay na pangalan) kasama ang kanyang maybahay ay personal na nagtungo sa MPD press office upang humingi ng kaukulang payo at proteksiyon hinggil sa ginawang pagbabanta sa kanyang buhay at kanyang pamilya ng isang Barangay Chairman sa Sta. Ana, Manila.
Inaamin ni Eddie na marami siyang ipinatrabaho at ipinahuling drug pusher sa AOR ng Station 6, sa paniniwala niyang bibigyan siya ng proteksiyon.
Sinabi niyang napakalaki ng kanyang pagsisisi ngayon dahil walang galaw o ano mang aksiyong ginawa laban sa barangay chairman na nagbanta sa kanyang buhay kasama na rin ang kanyang pamilya.
Malakas aniya ang kanyang kutob na nasagasaan niya ang malapit na kamag-anak at matalik na kaibigan ng chairman na kanyang naipahuli kung kaya’t binantaan siya nito bunga na rin ng matinding galit at sama ng loob.
Idinulog daw niya kay Col. Domingo, station commander ng Station 6 ang problema niya kay chairman ngunit nagulat daw siya sa payo ng huli na pansamantala muna siyang lumipat ng ibang barangay at lilipas din daw ang galit ni chairman.
Sana man lang daw ay sa malayong probinsiya siya pinapunta o sa labas man lang ng Metro Manila at hindi sa kabilang barangay na pwedeng matunton agad ni chairman.
Parang sarado aniya ang mga bulsa ni Koronel at tila nakatikom lagi ang mga kamay at palad na parang sa mga boksingero.
“Pinanghihinayangan akong gastusan, samantala, lahat ng itinuro ko at ipinatrabaho ay positibong lahat.
Parang ako pa ang nagkamali at nabaligtad. Dapat sana ay si chairman ang kanilang inasunto,” hinaing ni Eddie.
ANYARE!? Talagang tama ang kasabihan na: “Iba ang tinitingnan sa tinititigan.”
Masama ang loob niya at nababalutan daw siya ng poot ngayon sa naging karanasan niya sa mga pulis ng MPD Station 6 na inakala niyang mga kaibigan na hinding-hindi siya pababayaan at iiwanan sa ere.
Pansamantala, ipina-blotter muna ni Eddie ang mga taong nagbanta sa kanyang buhay at pamilya para maski paano ay meron silang proteksiyon at puwedeng habulin o kuwestiyonin man lang sakaling may masamang mangyari sa kanila.