Pakibasa lang NPC President Joel Egco
Bong Ramos
April 5, 2016
Opinion
ANO na kaya ang magiging desisyon at aksiyon ni National Press Club (NPC) President Joel Egco sa naging gulo at kahihiyang kinasasangkutan ni NPC Vice President Benny Antiporda at NPC member Abner Afuang sa mismong compound ng NPC kamakailan?
Mr. NPC President, alam ko at bilib naman kami sa iyong kakayahan kagaya ng iyong madalas na binabanggit na dala mo ang egg mo.
Kaganapan na lang po ang hinihintay ng inyong mga kabaro at pagpapatunay sa inyong sinasabing “DALA MO ANG EGG MO.”
Pagpapatunay na lang po ang kulang Pangulo.
Sana naman po ay malaman namin sa lalong madaling panahon kung ano ang magiging aksiyon ninyo sampu ng inyong mga opisyales na aming pinagpipitagan sa nangyaring gulo na kinasasangkutan ng inyong Vice-President Benny Antiporda at NPC member Abner Afuang na kung nagkapukpukan at nagkaputukan ng ulo kamakailan sa mismong compound ng NPC.
Nakahihiya ‘di po ba ?
Magbubuo po ba kayo ng isang independent investigating body?
Siguro naman po ay siguradong mayroon nagawang paglabag ang dalawa sa ating Code Of Ethics o dili naman kaya ay sa ating House Rules na nakasaad sa ating NPC By-Laws and Constitution.
Alam po ba ninyo mahal na Pangulo na maaaring ito na ang pagkakataon upang patunayan ninyong hindi kayo isang symbolic figure lamang o sinususian lang ng isang mainpluwensiyang tao.
Masyado naman pong nakahihiya ang mga alingasngas na ito laban sa inyo bilang aming Presidente.
Kayo po dapat ang magdikta at magdala ng martsa bilang pinakamataas na opis-yal na halal ng inyong mga kabaro at ‘di dapat diktahan ng sinuman.
Ano na lang kaya ang magiging tingin sa atin ng mga tao na dati’y tinitingala tayo. Alalahanin ninyo na malaki ang sampalataya sa atin ng ating mamamayan at ng ating bansa bilang mga mamamahayag base sa ating sinusulat at inilalathala.
‘Di kaya sa naging personal na away ng inyong Bise Presidente at ni Ka Abner ay mabawasan ang respeto sa atin ng mga tao dahil maaaring isipin nila, ating hanay ay nagkakagulo tayo kung kaya’t bakit nilang paniwalaan ang ating inihahayag?
Kahit na ano man ang mangyari Mr. Egco, kami po ay nasa likod ninyo still with high regards and flying colors provided that you can make your own decisions and not be dictated upon by anyone.
Patunayan din po ninyo na kayo ang halal na Presidente ng NPC at hindi isang appointee. CONVICTION SIR… para naman sa mga sangkot sa isyung ito na si Mr. Abner Afuang at ang aming pinagpipitagang bise presidente, mas mainam sigurong mag-resign na lang muna kayo for the sake of “DELICADEZA.”
Magkaroon sana kayo ng initiative at huwag nang hintayin ang imbestigasyon sa inyo at sa ganitong paraan ay siguradong mas lalo pa kayong irerespeto at higit pa kayong kabibiliban ng inyong mga kabaro at kasama sa hanapbuhay.
Sa ganitong paraan din po natin malalaman na hindi lang si Mr. Egco ang may dala ng egg niya kundi pati na rin kayo, hindi lang ang mga egg ninyo kundi pati bunot n’yo hila n’yo.
MABUHAY po tayong lahat at ang National Press Club!