Grace, panalo sa debate ng presidentiables — Stratbase
Ariel Dim Borlongan
March 23, 2016
Opinion
ON message o hindi lumalayo sa kanyang mensaheng mapaglingkuran nang tapat ang bansa at wala siyang iiwang Filipino sa mabilis na pagsusulong ng pag-unlad.
Ito ang pag-aanalisa ni Dr. Dindo Manhit, Ph.D – ang managing director ng policy consulting firm na Stratbase – sa naging performance ni Senator Grace Poe sa 2nd leg ng presidential debate sa Cebu City noong Linggo.
Ani Manhit, hindi nagpatangay si Sen. Poe sa mga batuhan ng putik sa hanay ng mga kandidato. Bagkus, ipinabatid niya sa publiko kung ano ang kabutihang maidudulot sa tao ng mga programang kanyang isusulong sa ilalim ng “Gobyernong May Puso.”
Sinabi ni Manhit na makahahatak si Poe ng boto mula sa hanay ng “soft voters” o iyong mga taong hindi pa ganap na buo ang desisyon ngayong eleksiyon.
Samantala, dahil nakatutok ang TV cameras at ipinalalabas ng TV5 sa prime time ang 2nd leg ng presidential debate, biglang lumakas ang loob ni Vice President Jojo Binay na hamunin ang mga kapwa niya kandidato na pumirma sila ng bank waiver para sa kanilang deposito.
Gusto ni VP Binay na maka-pogi points kahit pa seguradong mahihirapan siyang lusutan ang nilalaman ng isang bagong report ng Anti-Money Laundering Council na sinasabing inembudo niya ang ilang bilyong piso gamit ang mga dummy mula sa mga infrastructure project noong Makati mayor pa lamang siya.
Pero inagaw lang naman ni Binay ang pagkakataong makapuntos sa publiko kaya pilit na pilit ang dating dahil sa totoo lang si Sen. Grace Poe ang nagsimulang maghayag sa debate na pabor siya sa pagpirma ng bank waiver sa kanyang bank deposits dahil ito ang matagal na nilang pamantayan ng kanyang tandem sa Team Galing at Puso na si Sen. Chiz Escudero.
Hindi na tuloy nakapagpigil si Sen. Chiz na magkomento sa isang interview sa radyo sa Digos, Davao del Sur noong Lunes na “idinadakdak pa lang nila (kampo ni Binay atbp.) ang pagpirma sa bank waiver, ginagawa ko na ito noon pa.”
Sa naturang interview, idiniin niya na mula nang maging isa siyang mambabatas, sinasamahan na niya ng waiver sa kanyang bank deposits ang kanyang ipinapasang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SAL-N taon-taon.
Malinis ang tingin ng tao kay Sen. Chiz dahil nakasandig sa gawa ang kanyang bawat salita kapag sinasabi niya sa campaign sortie na kailangang ipaubaya nilang mga kandidato ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng bank secrecy law bilang pruweba na wala silang itinatagong nakaw na yaman at hindi sila mangangangkam ng pera ng taumbayan.
Sinabi niya sa panayam, maitatama rin ang isang impresyon ng publiko na kaya nagkaroon ng bank secrecy law ay para protektahan ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Natatandaan pa natin na noong unang linggo ng impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, si Chiz ang nanguna (o nag-iisa lang yata) sa hanay ng mga senador na nagpasa sa Office of the Ombudsman ng waiver sa kanyang bank deposits, Bureau of Internal Revenue at AMLC.
Bilang isa sa mga huradong senador sa paglilitis, isang magandang halimbawa ang ginawa ni Chiz dahil isa sa mga usapin noon laban sa punong mahistrado ang hindi nito pagdedeklara ng cash assets sa sariling SAL-N.
Saka sa bawat pagpasok ng bagong Kongreso, ipinapasa ni Chiz sa Senado ang panukalang “Submission of Waiver of Bank Deposits” pero lagi itong nababaril dahil hindi nakakukuha ng sapat na suporta mula sa kanyang mga kasamang senador na ang ilan ay mga kandidato ngayon.
Nasaan ba sila nang kailangan sila ni Chiz para maipasa ang panukala, aber?