TAGLAY ang twice-to-beat advantage, sisikapin ng Cafe France at UP QRS/JAM Liner na idispatsa kaagad ang magkahiwalay na kalaban sa simula ng quarterfinal round ng PBA D-League Aspirants Cup mamayang hapon sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.
Makakatagpo ng Bakers ang Wang’s Basketball sa ganap na 2 pm at susundan ito ng salpukan ng Fighting Maroons at Tanduay Light sa ganap na 4 pm.
Nakatabla ng Cafe France ang Caida Tiles sa record na 7-1 sa pagtatapos ng elims subalit nakuha nito ang No. 1 spot. Tabla rin ang UP QRS/JAM Liner at Tanduay Light sa kartang 5-3 subalit nakamit ng Fighting Maroons ang ikaaapat na puwesto dahil tinalo nila ang Rhum Masters, 102-86 noong Enero 26.
Kung mananalo ang Cafe France at UP QRS/JAM Liner ay didiretso na sila sa best-of-three semifinals kung saan silang dalawa rin ang magkikita.
Kailangan ng Wang’s Basketball at Tanduay Light na magwagi nang dalawang beses kontra sa kanilang katunggalii upang makarating sa semis.
Lubhang pinapaboran ang Bakers dahil sa inilampaso nila ang Couriers, 106-73 noong Pebrero 16.
Ang bakers na nangangarap na mapanalunan ang ikalawang sunod na kampeonato matapos na maghari sa nakaraang Foundation Cup, ay pinangungunahan ng sentrong si Rodrigue Ebondo.
Ang iba pang inaasahan ni coach Edgar Macaraya ay sina Bryan Cruz, Jess Mar Villahermosa, Jamison Cortes Paul Zamar at Sambiy de Leon.
Minsan lang nanalo sa walong laro sa elims ang Wang’s Basketball kung kaya’t hindi ito gaanong binibigyan ng tsansa kontra Cafe France.
Matapos na matalo sa unang dalawang games sa elims ay nagposte ng limang sunod na panalo ang Tanduay Light subalit natalo sa huling game kontra Phoenix at nabigong makakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
( SABRINA PASCUA )