Friday , November 22 2024

Pinakamarumi at pinakamasukal na police detachment sa Maynila

KUNG magkakaroon lang ng patimpalak sa kategoryang pinakamarumi at pinakamasukal na police detachment sa buong Maynila, walang kaduda-duda, walang katalo-talo at patok na patok ang Smokey mountain detachment sa Tondo, Manila na nasasakupan ng Manila Police District (MPD) Station 1.

Sa bukana palang ng nasabing detachment ay mapapansin na agad ang maputik at maalikabok na daan patungo sa pintuan na hindi na rin mapapansin dahil sa kitid at kalumaan ng plywood ng pinto.

Pagpasok sa pintuan ay siguradong madedesmaya dahil basa ang flooring na may tumatagas na likido na hindi malaman kung saan nagmumula.

Sa likod ng de-mesa ay nakatambak ang sandamakmak na pinggan na kanilang pinagkainan at mga kaldero’t kawali na pinagkakaguluhan ng mga langaw at iba pang mga insekto.

Bukod dito, makikita ang sari-saring mga bagay na nakatambak gaya ng mga lumang kahoy at yero at iba pa na maikokompara sa isang tambakan o bodega.

Nakakatawag-pansin din, hindi lang ang mga insekto kundi mgaing mga daga na maaari rin pamahayanan ng ahas dahil sa sukal. Lahat ito ay mabubuhay dito dahil sa dami ng mga natitirang pagkain na halos panis na.

Ang kanilang palikuran ay parang bartolina dahil sa sobrang dilim. Napakalumot rin ng flooring at ng urinal bowl at kung medyo mamalasin ay pwedeng mauntog o madulas.

May kasabihan tayo na maski na munting dampa lang ang kinalalagyan basta maayos ay ayos lang. Sana ay magkaroon kayo ng pride and quality dahil isang kredensiyal iyan ng isang pulis. Huwag kayong maging baboy dahil sabi nga, “Cleanliness is next to Godliness.”

MPD PS1 chief, Col. Redentor Ulsano sir, baka gusto n’yo naman dalawin at pag-ukulan ng panahon ang mga tauhan mo rito. Nami-miss ka rin daw nila.

Hindi ba kayo, ang nahirang na MPD Station commander of the year and at the same time, ang inyong estasyon pa ang napiling police station of the year?

Bigyan mo nga ng pansin ang Smokey mountain detachment Sir.

Alam namin na kayang-kaya mo iyan!

Mga kutsero ng karitela sa Luneta ‘nilalatigo’ ng kolektong sa MPD Station 5

Nag-iiyakan ang grupo ng mga kutsero sa Luneta dahil anila sa taas ng tarang hinihingi sa kanila ng isang pulis kolektong na nakadetine sa presinto 5.

Bawat isa raw sa kanila ay hinihingian ng halagang P300 kada linggo ng kolektong na pansamantala muna nating ‘di pangangalanan.

Ang grupo raw nila ay umaabot sa 20 katao. Sa madali’t salita, nakakakuha daw sa kanilang grupo ng halagang 24 mil sa loob ng isang buwan.

Sinabi nila na ang hanapbuhay nila bilang isang kutsero ay patsamba-tsamba lang kung may maisasakay silang turista o foreigner.

Limitado rin daw ang kanilang rutang tinatakbuhan dahil mula Luneta hanggang Intramuros sila pwedeng magsakay.

Ayos lang naman daw na sila’y magbigay bilang pakisama at pakikitungo pero sana naman daw ay bawasan  ang kanilang tara kahit na kalahati.

Kadalasan anila ay umuuwi silang luhaan dahil walang kinita at obligado silang mag-abono sa pambili ng pagkain ng kanilang kabayo.

MPD PS5 commander Col. Barrot, alam namin na maunawain kayong nilalang at makonsiderasyon, sana’y abutin natin ang kalagayan ng mga kutsero.

Mabuhay kayo sir!

Tupada araw-araw kaliwa’t kanan na video-karera three-coins o tatlo’t wala plus shabu sa Barangay 224 Zone 20 sa Tondo, Maynila

Walang puknat na tupada mula Lunes hanggang Linggo! Walang day-off, kabi-kabilang video-karera. Tatlo’t wala kada kanto at parang sari-sari store lang anila ang bilihan ng shabu sa Barangay 224, Zone 29 sa 2nd district ng Tondo, Maynila.

Babae pa naman ang chairwoman dito na tinaguriang Kapitana Elbyra Reyez na nakasasakop sa mga lugar ng Laguna Ext., Tindalo, Narra  at Old Antipolo st. sa Tondo.

Sa ilang residente na napagtanungan, wala raw alam si Kapitana sa mga ilegal na gawain sa kanyang barangay.

Tell it to the marines! Ano ba si Kapitana? Estatwa, imahen o isang robot na inyong dinadasalan?

Kinokonsinti ninyo at kinokonsinti rin kayo? May paliwanag diyan madlang people, nagkakaroon kayo pero s’yempre mas malaki kay Kapitana at ang kanyang konseho?

May nasagap din kaming balita na mahigpit daw si kapitana when it comes to drugs.

E sino ba ang alias JONJON na pinakamalakas daw humigop ng shabu sa inyong nasasakupan at kung over na raw ay malayang nagwawala sa inyong hurisdiksiyon?

Nagtatanong lang po.

About Bong Ramos

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *