Thursday , December 26 2024

Nasaan ang tunay na diwa ng EDSA People Power celebration?

00 Bulabugin jerry yap jsySABI nga nasa puso ang tagumpay.

Kung wala sa puso ang tagumpay hindi ito mararamdaman at lahat ng pagkakamali ay isisisi sa pinakahuling pangyayari na itinuturong dahilan ng debastasyon.

Ganito natin nakikita ang nakatakdang pagdiriwang ng EDSA people power sa ika-30 taon.

Nalulungkot tayo na hindi ito mabibigyan ng ‘justification’ at hindi maitatampok ang ‘tagumpay’ ng mamamayan, kung mayroon man, dahil ang pagdiriwang ay kakaladkarin sa propaganda ng oligarkiya, na natatakot mapatalsik sa poder kahit sa paraan ng ‘demokratikong’ eleksiyon kuno.

At ‘yan ang problema sa ika-30 taon ng EDSA people power, nasabay ito sa eleksiyon.

Kaya lagi’t laging mayroong dahilan ang oligarkiya para buhayin ang ‘bangungot’ ng Martial Law at ipantakip sa ginawa nilang higit na debastasyon matapos pagtulungang patalsikin ang tinatawag nilang diktadurang Marcos.

Ang gusto nating sabihin dito, kung talagang si dating Ferdinand Marcos ang may kasalanan nang lahat-lahat ng nararanasan natin ngayon, ‘e ano pala ang ginawa ng mga namuno sa loob ng 30 taon?!

Bakit lalong tumindi ang military mafia o ‘yung tinatawag na militarization sa lahat ng government agencies?!

Ano ang ginawa ng mga inihalal na pinuno ng ‘pinagsasamantalahang’ mamamayan sa loob ng 30 taon at hinayaan nilang tamasahin ng mga pinunong militar ang pamumuno sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan?! 

‘Yan ba ang ‘premyo’ ng mga pinunong militar mula sa oligarkiya at mga panginoong maylupa kapalit ng pagpapatalsik nila sa Marcos administration?!

Habang sinasabi ng oligarkiya, komprador burgesya at mga panginoong maylupa na ang ‘PEOPLE POWER’ ang nagpatalsik sa mga Marcos ay pinaghahati-hatian naman nila ang kabang-yaman ng bansa.

Kayamanang likas at kayamanang pinagpaguran at pinagpawisan ng maliliit na mamamayan.

At dahil ‘GUILTY’ ang oligarkiya, komprador burgesya at mga panginoong maylupa, sa panghaharbat sa kayamanan ng bansa, na ngayon ay namamayagpag sa tulong ng mga huwad na makabayan at mga dilawang sosyalista kuno, nilalamon sila ng paranoia. 

Ngayon sa kanilang pagdiriwang sa ika-30 anibersaryo ng EDSA, tumitindi ang paranoia at wala silang gustong sisihin, pagkatapos ng 30 taon na pamumuno nila kundi ang tinatawag nilang diktadurang Marcos.

Para bang gusto nilang palabasin na tumigil ang inog ng mundo sa Filipinas mula noong 1986 hanggang 2016 — nawala at ngayon ay nagtatangka silang burahin ang mga nakapanghihilakbot na pangyayari sa pagitan ng mga taong ito — gaya ng Mendiola massacre, Lupao massacre, sunod-sunod na salvaging ng labor leaders, Maguindanao massacre, pamamayagpag ng shabu at iba pang ilegal na droga, at iba’t ibang uri ng ilegal na aktibidad na kinatatampukan ng economic sabotage sa kamay mismo ng mga nakaupong pinuno ng pamahalaan.

Pagbagsak ng kalidad ng mga batayang serbisyo gaya ng kalusugan, edukasyon, pabahay, trabaho…

Ang pangarap na disenteng trabaho ay winasak ng kontraktuwalisasyon — naglaho ang industrial workers at pinalitan ng endo (end of contract) workers.

Ang pabahay para sa masa ay nilamon ng malalaking real estate companies. At ang lupang sakahan na dating sinasaka ng magsasaka ay kinamkam din ng real estate companies.

Ang serbisyong pangkalusugan ay pinabagsak ang kalidad sa mga pampublikong ospital at ngayon ay ipinasasagip sa pribadong sektor.

Sa larangan ng edukasyon? Tinitipid ang mga pampublikong paaralan sa elementary at high school hanggang state universities habang ipinamimigay ang pondo sa mga pribadong paaralan na karamihan ay pag-aari ng malalaking kongregasyong pangrelihiyon na lampas-langit ang tuition fee.

Ang tubig, koryente at kalsada, ibinenta sa malalaking negosyante at komprador burgesya. Hindi na nakapagtataka na dumating ang panahon na pati sariwang hangin ay bilhin na natin.

Sige, itampok ninyo sa pagdiriwang ng EDSA people power ang ‘experiential museum’ para sa millennial generation.

Pero hindi tanga ang millennial generation na pagkatapos nilang panoorin o pasukin ang ‘experiential museum’ ay hindi nila tatanungin, “what happened next?”

And that is the innermost question: “What happened next after EDSA people power?”

Kaya ba itong sagutin ng People Power Commission?!

Iisa lang ang masasabi natin…the rest is history.                  

Ang pamana ng nanay ni VP Jejomar Binay, Bow

ANG eleksiyon daw ay “season of truth and nothing but the truth.”

Tuwing eleksiyon kasi, makikita at mapapatunayan ng bawat botante kung tapat o wagas — sa pagsisinungaling ang isang kandidato.

Akala ko nga ‘e, ako lang ang nakapansin nang sabihin ni Binay na ‘yung kanyang ibang lupain ay pamana umano ng kanyang ina.

Aba, ilang beses ba nating nabasa sa kasaysayan na si Binay ay dukha, ulila kaya inampon ng isang kaanak at pinag-alaga ng baboy.

Tapos ngayon ay sinasabi niyang may ipinamana ang kanyang nanay?!

Okey na nga sana ‘yung hindi siya kumikibo, pero ngayon, iba ang kanyang sinasabi sa ibinibida ng kanyang mga ‘komiks’ noong araw.

‘E ano ba ang totoo, VP Jojo Binay?!

Dukha ka ba talaga o nagdudukha-dukhaan?!

Heredero ka ba talaga o kuwentong-barbero lang ‘yan?

Ano ba talaga Vice?!

Si Vice President Jojo Binay ka ‘di ba?

Hindi ka naman si Vice Ganda… kaya huwag mo kaming patawanin — kasi hindi ka rin naman panot ‘este kalbo!

Remember VP Binay, “the truth shall set you free!”

Doon lang tayo sa totoo, puwede ba?!

Anim na buwan ni Digong Duterte kontra ilegal suntok sa buwan

FEELING determine and superman si presidentiable, Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Sa loob lang daw ng tatlo hanggang anim na buwan, kaya niyang linisin sa droga at iba pang ilegalista o kriminalidad ang bansa.

Pero nagsalita si Senator Panfilo “Ping” Lacson na imposible ang sinasabi Duterte. Hindi nga naman ganoon kadali lupigin ang kriminalidad sa bansa.

Naniniwala tayo kay Senator Ping, dahil naging PNP chief na siya.

Kapag siya ang nagsalita tungkol sa kriminalidad sa buong bansa may kredebilidad dahil national ang scope ng kanyang naging tungkulin.

Si Duterte ay sa Davao pa lamang may napapatunayan hindi pa sa buong bansa.

Hindi natin tinatawarann ang kakayahan ni Digong pero sana kung mambobola ‘este kung mangangako siya, ‘yung malapit-lapit naman sa katotohanan.

Huwag ‘yung tipong drawing na drawing ang dating.

Ang alam natin ay abogado si Digong hindi arkitekto, ‘di ba mga suki?!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *