WINNER take all ang tema ng huling pagtatagpo ng San Miguel Beer at Alaska Milk sa Finals ng PBA Philippine Cup mamayang 7 pm sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inaasahang ibubuhos ng magkabilang kampo ang kanilang lakas dahil sa ang magwawagi sa Game Seven ay itatanghal na kampeon ng pinakaprestihiyoso sa tatlong conferences ng PBA sa isang season.
Napuwersa ng Beermen ang Aces sa sitwasyong ito matapos na magwagi sa huling tatlong laro. Ang Alaska Milk, na nanalo sa unang tatlong laro ay nabigong makumpleto ang isang sweep at hinayaang makabalk pa ang Beermen.
Bagama’t sinasabing nalipat na sa kampo ng Beermen ang momentum, hindi naniniwala sina SMB coach Leo Austria at Alaska coach Alex Compton na totoo ito.
“Hindi puwedeng i-underestimate ang Aces kahit na nanalo kami sa huling tatlong games. Iba ang Game Seven,” ani Austria.
Ayon naman kay Compton ay kinalimutan na ng Aces ang mga kabiguan nila at ibubuhos na nila ang kanilang makakaya.
Sa kasaysayan ng liga, wala pang koponan ang nakabalik sa 3-0 kalamangan ng kalaban upang itabla ang serye. Ito ay nagawa na ng Beermen.
Ngayon ay hangad ng Beermen na makumpleto ang comeback at maiuwi na rin ang korona upang makapagtala ng panibagong kasaysayan.
Nakapaglaro na si June Mar Fajardo mula sa Game Five. Ito ay matapos na magtamo siya ng knee injury at hindi nakapiling ng Beermen sa unang apat na laro.
Pero hindi naman mahaba ang naging playing time ni Fajardo dahil sa tinatantiya pa ni coach Leo Austria ang kanyang kundisyon. Nagbida para sa Beermen sa Game Four si Chris Ross, sa Game Five si Arwind Santos at Game Six si Marcio Lassiter.
Inaasahang dahil sa limang araw na pahinga buhat noong Game Six ay mas makakagalaw nang maayos si Fajardo mamaya upang maging factor sa laro.
Si Compton ay sasandig sa mga tulad nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio, Dondon Hontiveros at Vic Manuel na siyang inaasahang magiging Most Valuable Player of the Finals sakaling magkampeon ang Alaska Milk.
( SABRINA PASCUA )