Mga pulis ng Blumentritt detachment pakuya-kuyakoy sa kanilang kubol
Bong Ramos
January 26, 2016
Opinion
SIGHTSEEING lang yata ang ginagawa ng mga pulis na nakatalaga sa MPD Blumentritt detachment sa ilalim ng kanilang kubol na matatagpuan sa kanto ng Blumentritt at Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Manila?
Parang nakaupo lamang sila at tila nakapiring ang mga mata sa mga nagaganap sa harap nila.
Halimbawa, ang mga pampasaherong jeepney na ginagawang terminal mismo ang harapan ng kanilang kubol.
Bukod sa mga jeepney, halos magparoo’t parito ang mga trycycle na naging terminal na rin ang kinalalagyan nilang kubol. ‘Di alintana ang nagiging sanhi ng mabigat na trapiko.
Tila ba may go-signal sa kanila ang mga tricycle na na harapang nagka-counterflow sa kahabaan ng Rizal Avenue. Doon sila pumi-pick-up at nagbababa ng mga pasahero.
May police visibility nga pero parang wala rin pulis at mistulang mga props lang na nakaposte sa kanilang kubol.
May pagkakataon din daw na pinaglalaruan na lang ng dama at chess ang mahiwagang kubol.
Mga sir, baka akala ninyo ay nasa excursion o outing kayo na masisiyahan ang inyong mga mata sa ganda ng mga ilegal na gawain sa harap ninyo?
Major Gallora, mag-organisa ka na lang kaya ng chess at dama tournament para naman magkaroon ng recognition ang mga tao mong mahusay maglaro nito!
Barbosa Detachment Commander can not be located
May isang libong beses na yata kaming pumapasyal dito sa MPD Barbosa detachment sa Quiapo, Manila ngunit ‘di namin matagpuan at matiyempohan ang detachment commander na si Capt. Panganiban.
Ang palaging sinasabi ng kanyang de-mesa at mga tauhan ay umiikot lang daw at babalik rin agad.
Minsan naman ay may paugnayan lang daw sa mga tabing barangay.
Ang sipag naman pala ni Sir!
Puwede ngang umiikot lang si Sir, hindi lang natin alam na baka sa Batanes o sa Aparri nag-iikot at doon nakikipag-ugnayan sa mga cultural minorities ‘di ba?
Capt. Panganiban, miss ka na namin at sana naman ay magpakita ka naman.
Wala ka naman daw dapat ikahiya dahil ayon sa aming feedback, guwapo at bata ka pa naman.
Detachment Commander ng Plaza Miranda dapat tularan!
Sa mga detachment commander na naunang naiulat, maging inspirasyon sana ninyo at dapat ninyong maging ehemplo si Plaza Miranda detachment commander Major John Guiagui.
Performance wise, attitude wise, likewise at Edelweiss ay malayo sa inyo si Major dahil full of energy at accomplishments.
Mantakin ninyo na nakapag-feeding activity pa si Major tuwing Biyernes sa mga deboto ng Black Nazarene at nakapagpa-flashing rin minsan sa isang linggo.
Ang kanyang selda ay halos mapuno araw-araw ng mga snatcher at mandurukot at kung sino-sino pang mga kriminal na may ilegal na gawain sa area niya. Siya na rin mismo ang nagpupursiging kasohan ang mga lekat.
Kung ikokompara lang sa ibang detachement diyan ay malayong-malayo dahil ang mga nakakulong sa kanilang mga selda ay mga bilao at kung ano-ano pang mga kalakal na pagmamay-ari ng kung sino-sino.
‘Di na tayo magtataka at magugulat na siya ang hinirang na detachment commander of the year.
Kudos Major at mabuhay ka!
Ganoon din kay Supt. Redemptor Ulsano na hinirang naman bilang Station Commander of the year.
CONGRATULATIONS at MABUHAY kayo!
Kotong checkpoint sa Maceda Maynila
Napakaganda daw ng ginagawa ng mga tauhan ng SIBAMA, SIMOUN PCP STATION 4 sa pagsasagawa ng checkpoint sa kahabaan ng Maceda St., Sampaloc, Manila, dahil may Comelec gun ban.
Pero ang siste, ginagawa lang palang gatasan ang mga nagdaraang motorista ng mga matatakaw na pulis ng nasabing PCP. Isang opisyal umano na kinilala sa pangalang Insp. Bravo ang tila nananakot o naninindak pa sa mga nahuhuli o nasisitang motorista.
Sa aking pagkakaalam, ang Comelec gun ban checkpoint ay dapat magalang sa mga sinisitang motorista at hindi nananakot na tila hari.
Ganyan ba ang natutunan ninyo sa PNP kung paano manakot sa mga sibilyan o motorista na nasisita? Nagtatanong lang po Insp. Bravo…
Kung sadyang matapang po kayo, sa Mindanao na lang po kayo mag-checkpoint.