HINDI pa rin maglalaro ang reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo kung kaya’t llamado pa rin ang Alaska Milk kontra San Miguel Beer sa Game Three ng kanilang best-of-seven seryeng pangkampeonato ng PBA Philippine Cup mamayang 7 pm sa Quezon Convention Center sa Lucena City.
Napanalunan ng Aces ang unang dalawang laro ng serye. Nakahabol sila sa 12 puntos na abante ng San Miguel sa Game One at binlangko nila ang kalaban sa huling dalawang minuto upang magwagi, 100-91. Sa Game Two ay nakaarangkada kaagad ang Aces subalit nakahabol ang Beermen upang maging dikitan ang duwelo hanggang dulo. Nagwagi ang Aces, 83-80.
Kung muling mamamayani ang Alaska Milk mamaya ay aangat ang Aces 3-0 at puwede na nilang tapusin ang serye at iuwi ang korona sa Linggo sa Game Four na nakatakda naman sa Philsports Arena sa Pasig City.
“We just have to prepare hard for anything whether juneMar is playing or not. We cannot take San Miguel Beer lightly,”ani Alaska Milk coach Alex Compton.
Inamin ni Comptn na kahit wala si Fajardo ay nahirapan na magwagi ang Aces sa unang dalawang games. Sa breaks lang nagkatalo ang Game Two kung saan nagmintis ng dalawang free throws si Yancy de Ocampo at dalawang three-point shots si Ronald tubid. sa endgame.
Nagbida para sa Aces sa Game Two si Vic Manuel na nagtala ng 18 puntos.
Ani Compton, “Ït would be great if we could say wala yan dati e, nadevelop yan sa Alaska e. Pero the muscle man has been the muscle man. Vic has the capacity to dominate the game. Vic led us in scoring all conference.”
Bukod kay Manuel, ang iba pang inaasahan ni Compton ay sina Calvin Abueva, Joaquim Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Chris Banchero.
Si Fajardo, na nagtamo ng knee injury sa Game Six ng semis ng San Miguel Beer kontra Rain or Shine, ay pinagpapahinga pa ng mga doktor subalit sinasabing makakabalik sa active duty sa Game Four.
Sa kanyang pagkawala ay sasandig si coach Leo Austria kina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz, Chris Ross, Marcio Lassiter, Gabby Espinas at de Ocampo.
( SABRINA PASCUA )