MATAPOS na mapahiya sa series opener, sisikapin ng Alaska Milk na makaresbak sa Globalport sa Game Two ng kanilang PBA Philiippine Cup semifinals series mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon Citty.
Nakauna ang Batang Pier sa serye nang magtala ng 107-93 panalo sa Game One noong Lunes.
Ang tropa ni coach Alfredo Jarencio ay pinangunahan ng Asian Games veteran na si Terrence Romeo na nagtala ng career-high 41 puntos.
“Hindi naman importante kung career-high iyon. Ang mahalaga ay nanalo kami,”ani Romeo matapos ang kauna-unahang semifinals stint niya sa PBA.
Ito ang unang pagkakataong nakarating sa semis ang Globalport matapos ang anim na conferences ng pagkabigo.
Si Romeo ay nakakuha ng magandang suporta sa kanyang mga kakampi. Tatlong iba pang Batang Pier ang nagtapos nang may double figures sa scoring. Gumawa ng 14 puntos si Stanley Pringle at tig-12 sina Keith Jensen at Billy Mamaril.
Nagpakawala kaagad si Romeo ng 22 puntos sa first half kung saan umabante ng sampung puntos sa halftime ang Batang Pier, 52-42.
Bukod sa apat na leading scorers, ang iba pang inaasahan ni Jarencio ay sina Joseph Yeo, Jay Washington, Rico Maierhofer at Doug Kramer.
Ang Alaska Milk ay nangapa sa laro at masama ang naging arangkada dahil hinayaan ng Aces na umalagwa agad ng 18 puntos sa first quarter ang Globalport.
Ang Aces ang siyang naging top team matapos ang elimination round at hindi nakapaglaro ng 15 araw bago nagsimula ang semis.
Umaasa si coach Alex Compton na makakabawi ang kanyang mga bata sa Game Two upang maibaba ang serye sa best-of-five.
Siya ay aasa kina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio, Dondon Hontiveros at Vic Manuel.
Makakalaban ng magwawagi sa Alaska-Globalport series ang mananaig sa seryes sa pagitan ng San Miguel Beer at Rain or Shine sa best-of-seven Finals.
( SABRINA PASCUA )