PINAHIRAPAN lang ng Elasto Painters ang kanilang sarili noong panahon ng kapaskuhan at hindi tuloy sila nakapagbakasyon kahit na saglit.
Ito’y dahil sa kinailangan nilang dumaan sa quarterfinal round matapos na matalo sila sa NLEX Road Warriors, 111-106 sa isang no-bearing game.
No-bearig para sa NLEX subalit may bearing para sa Rain Or Shine. Kasi, kung nagwagi ang Elasto Painters ay magtatabla sila ng San Miguel Beer at Alaska Milk sa unang puwesto sa record na 9-2. At dahil tinalo ng Rain or Shine ang Alaska Milk at San Miguel Beer, abay No.1 team sila at didiretso na kaagad sila sa semifinals.
Pero dahil sa natalo sila, aba’y bumagsak sila sa ikatlong puwesto at kinailangang dumaan sa quarterfinals.
Sa quarters ay pinahirapan pa sila ng No. 10 seed na Blackwater bago sila namayani, 95-90. Pero matapos iyon ay nanumbalik ang dating husay at tikas ng Elasto Painters at inilampaso nila ang powerhouse TNT Tropang Texters, 104-89 sa sudden-death match upang tumulak na nga sa semifinals.
Puwes, nagsilbing batak na rin para sa Rain Or Shine ang karagdagang dalawang games na nilaro nila noong Disyembre 26 at 28. Biruin mong dapat ay nagbabakasyon sila kahit paano pero para silang masokista at pinahirapan nila ang kanilang sarili samantalang prenteng-prente ang kanilang kalabang San Miguel Beer na nakadiretso nga sa semis. E dapat San Miguel ang dadaan sa quarters!
Pero sinabi ni coach Yeng Guiao na marahil ay natuto ng mahalagang leksyon ang Elasto Painters dahil sa karagdagang dalawang games na nilaro nila. Hindi sila puwedeng magbiro kahit na ano pang koponan ang kararap nila.
Lalong lalo na silang hindi puwedeng magbiro kontra sa Beermen!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua