SISIKAPIN ng nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer na makaganti sa Rain Or Shine sa simula ng kanilang PBA Philippine Cup semifinals series mamayang 7 pm sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bagama’t nakamit ng Beermen ang isa sa dalawang automatic semifinals series ay hindi masasabing nakalalamang sila sa Elasto Painters.
Ito ay bunga ng pangyayaring tinambakan silan ng Rain or Shine, 99-84 sa kanilang tanging pagkikita sa eliminations, noong Nobyembre 4.
Sa larong iyon ay napigilan ng Elasto Painters ang pananalasa ng reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo sa shaded area.
Balanse rin ang naging opensa ng Rain or Shine. Gumawa ng tig-15 puntos sina Raymond Almazan, Beau Belga at Jeff Chan at nagdagdag ng tig-14 sina Gabe Norwood at Maverick Ahanmishi.
Ang Elasto Painters ay natalo sa NLEX sa huling game ng elims kung kaya’t pumangatlo at nagdaan pa sa quarterfinals. Doon ay kinailangan nilang talunin ang Blackwater, (95-90) at TNT (104-89) upang makasagupa ang Beermen sa semis.
Wala pang katiyakan kung makapaglalaro ang Asian Games veteran na si Paul Lee na binagabag ng kapansanan sa tuhod buhat sa umpisa ng season.
Ang iba pang inaasahan ni Guiao ay sina Chris Tiu, JR Quinahan at Jericho Cruz.
Si San Miguel Beer coach Leovino Austria ay sumasandig kina Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz, Chris Ross at Marcio Lassiter.
Ang magwawagi sa duwelo ng Beermen at Elasto Paintes ay makakatunggali ng mananalo sa laban sa pagitan ng Alaska Milk at Globalport sa best-of-seven Championship round.
( SABRINA PASCUA )