MUNTIK nang masira ang record ng Barangay Ginebra na palaging nagwawagi sa mga out-of-town (out-of-the-country) games ng kasalukuyang PBA Philippine Cup noong Sabado nang sila ay nagkita ng Blackwater Elite sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga.
Mangyari’y kinailangan ng Gin Kings na dumaan sa butas ng karayom o dalawang overtime period bago talunin ang Elite, 102-94.
Sa totoo lang, kahit na wala yung pattern na nananalo sa out-of-town games ay pinapaboran ang Gin King kontra Elite bago pa man sila nagkita.
Aba’y mas maganda ang record ng koponan ni coach Tim Cone na may 4-4 karta. Ang team ni coach Leo Isaac ay may iisang panalo sa pitong games.
Siyempre, bukod doon, talaga namang nakalalamang sa lakas ng line-up ang Gin Kings. Maraming malalaking players ang Barangay Ginebra at mahirap na tapatan ang mga tulad nina Slaughter at Peter Aguilar. May dalawang dating Most Valuable Player ang Barangay Ginebra sa katauhan nina Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand. At maraming iba pang estrella ang koponan. Naidagdag pa nga sina Joe De Vance at Jervy Cruz, hindi ba?
Pero hayun at muntik na nga silang madiskaril!
Dalawang beses na nagkaroon ng pagkakataon ang Elite na manalo. Sumablay lang sa kanyang free throws sa huling 4.6 segundo ng regulation si Jason Ballesteros samantalang nagmintis sa isang jumper si Art dela Cruz sa dulo ng unang overtime.
Ang Barangay Ginebra ay naisalba hindi ng mga higante kungdi ng mga maliliit na manlalarong sina LA Tenorio at Scottie Thompson na gumawa ng tig-isang three-point shots sa ilawang OT.
Bunga ng panalo ay nakapasok na ang Gin Kings sa quarterfnals at ngayon ay paghahandaan na nila ang susunod na yugto.
Well, kailangan nga siguro ng Gin Kings na dumaan sa ganitong mga pagsubok bago muling makapamayagpag.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua