Lewd shows sa ‘Gapo sobrang lantaran; kandidatura ni Tolentino lalong lumalakas
Ariel Dim Borlongan
November 27, 2015
Opinion
Matindi ang panawagan ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mel Senen Sarmiento na pakilusin ang pulisya laban sa lewd shows, prostitusyon at talamak na bentahan ng ilegal na droga sa Olongapo City.
Sabi nga ni 4K Olongapo chapter Chairman Dennis Yape, lantaran ang mga menor de edad na malaswang nagsasayaw sa mga mga club na Legacy, Delilah at Club K sa Magsaysay Drive kaya dinaragsa ng mga dayuhang turista gayundin sa mga beerhouse sa Barrio Barreto pero hindi ito nakikita nina Mayor Rolen Paulino at Olongapo City Police chief Sr. Supt. Pedrito de los Reyes.
Ibinunyag pa ni Yape: “Ipinagmalaki pa ng isang club owner na pinainom nila si Sec. Sarmiento sa Pier One Bar & Grill nitong Nobyembre 17 sa Subic kaya walang makapipigil sa kanilang operasyon. Hindi kami naniniwala kaya nananawagan kami kay Sarmiento na ipasara ang lahat ng club na may lewd shows sa Olongapo.”
Ikinahihiya rin ng 4K na nagkalat ang pick-up girls na pulos menor de edad sa Rizal Ave., Mart 1, Triangle, Victory Liner terminal at gilid ng SM City Olongapo pero walang ginagawa si Mayor Rolen Paulino para mahadlangan ito.
Nanawagan din ang grupo kay Sarmiento na ipatigil ang talamak ang bentahan ng shabu sa Brgys. Sta. Rita, Gordon Heights, West Tapinac, Pag-Asa, Cabalan at Barretto malapit sa Brgys. Matain at Calapacuan sa Subic, Zambales na pangunahing source ng illegal drugs.
Dagdag ni Yape: “Marami sa mga menor de edad ang pumapasok sa prostitusyon para masuportahan ang kanilang bisyo. Nagkalat ang mga kabataang nagbebenta ng aliw sa mga kalye pero walang nakikita ang pulisya at pamahalaang lokal. Hinahayaan nilang mapariwara ang kinabukasan ng mga kabataan ng Olongapo.”
TOLENTINO MABILIS NAKABAWI—Patuloy na lumalakas ang kampanya ni dating MMDA chairman Francis Tolentino dahil maraming personalidad ang naniniwala sa kanyang kakayahan at katalinuhan upang maging senador ng bansa.
Nangunguna sa kanila si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nagdeklarang tatakbo sa pangkapangulo pero inendoso si Tolentino dahil naniniwala siya sa abilidad at kilala niya ang pagkatao nito.
Sabi nga ni Digong sa kanyang programa sa radyo: ”Matagal ko nang kilala si Francis. And he’s one of the most decent officials sa ating bayan…This guy has remained poor. Iyung motorsiklo niya, iyon pa rin noon. Hindi siya gaya ng iba na nagkaroon ng pera. He lives a very simple life. I do not have to compare him with anybody but he is an entity by himself.”
Nagtapos sa Ateneo de Manila University at nag-aral sa abroad, inamin ni Tolentino na tumatakbo siya bilang senador upang maiangat ang estado ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pagganap bilang mambabatas.
Inendoso rin siya nina Cavite Gov. Jonvic Remulla at mga mayor at congressmen ng Cavite sa pamamagitan ng isang resolusyon. Bilib din sa kakayahan ni Tolentino bilang public servant maging sina dating pangulong Joseph Estrada at Senador Miriam Santiago
Lubos namang nagpasalamat si Tolentino sa mga kapwa abogado, transport groups, mga madre at iba pang lider ng mga relihiyon, ina’t ibang samahan ng mga kabataan at mga non-government organization na sumusuporta sa kanyang kandidatura.
Dagdag pa ni Tolentino: “Hindi ko sila bibiguin kapag naluklok ako sa Senado. Dapat baguhin na natin ang sistema ng ating bansa para sa ikauunlad ng ating bayan.”