DOJ patas sa kaso ng INC – Kapunan (Kay Sec. Ben Caguioa)
Hataw News Team
November 16, 2015
News
NAGPAHAYAG ng pananalig si Atty. Lorna Kapunan na ang Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng bago nitong kalihim na si Sec. Alfredo Benjamin Caguioa ay magpapasya sa kaso ng Iglesia Ni Cristo (INC) batay sa “merito” dahil malinis ang reputasyon nito at kilala sa katapatan.
“Nasa kasong isinampa ni Samson ang atensiyon ng media ngayon, at sigurado ako na ano man ang magiging pasya ng DOJ ay aani ng reaksyon sa magkabilang panig,” ayon kay Kapunan.
“Sa harap nito, mahalaga ang pagbusisi at pagbibigay-linaw sa mga isyung nakasaad sa reklamo, at dahil kilala sa pagiging metikuloso at maingat na litigador si Caguioa, makaaasa tayong magdedesisyon siya nang naaayon sa batas,” paliwanag ni Kapunan.
Nagtapos ng kursong Economics si Caguioa sa Ateneo de Manila University noong 1981, panglima siya sa kanyang graduating class sa College of Law ng nasabing pamantasan noong 1985 at panglabinglima naman sa nagtala ng pinakamataas na antas ng Bar Examinations nang taong iyon. Hinirang si Caguioa bilang Chief Presidential Legal Counsel ni President Benigno Simeon C. Aquino III noong January 2013 matapos ang halos tatlong dekada bilang abogado sa pribadong sektor.
Ayon kay Kapunan, malaki ang naiaambag ng pagiging simple at patas ni Caguioa sa kredibilidad ng DOJ “dahil batid naman ng lahat na wala siya ni ano mang pampolitikang agenda.”
“Walang dahilan para makipagmabutihan ang kalihim sa iba’t ibang panig na sangkot sa usapin, at malamang wala siyang pakialam kung babatikusin o pupurihin matapos magpasya ang kanyang ahensiya – kaya nga matibay ang aking paniniwala na walang dapat ipag-alala ang dalawang panig sa kasong ito,” dagdag ni Kapunan.
Ang babala lamang ni Kapunan ay laban sa mga abogado ng mga panig na sangkot sa nasabing isyu kasabay ng pahayag na “pag-ingatan maging ang forum-shopping sa media” kapag hindi naging kaaya-aya sa mga kliyente nito ang magiging pasya ng DOJ.
“Napakadali at malakas ang tukso na maghabi ng kung ano-anong kwento o teorya sa kahihinatnan ng tagisang ito na alam naman nating pagpipiyestahan ng media at ng mga diskusyon ng publiko. Hindi ito ang hinahanap natin. Mas maigi para sa ating bansa kung tuturuan natin ang publiko kung papaano umiinog ang batas sa mga ganitong pagkakataon,” ayon kay Kapunan.
“Tungkulin ng bawat abogado na igalang at pagtibayin ang pag-iral ng batas,” ayon kay Kapunan. “Itira na lang natin sa iba ang ‘online at media hype’ na hindi naman saklaw ng ating propesyon.”
Inakusahan ng dating ministro ng INC na si Isaias Samson ang pangasiwaan ng Iglesia ng “harassment” at “detention” kasama ang kanyang pamilya. Ayon kay Samson, ito ang parusang ipinataw ng INC sa kanya dahil sa dudang siya ang nagpapalabas ng mga istorya hinggil sa katiwalian sa Iglesia.