IPINAGPALIBAN ng Philippine Basketball Association ang opening ng 41st season nito kahapon bunga ng pananalasa ng bagyong Lando.
Sa halip ay sa Miyerkoles uumpisahan ang season at sa Mall of Asia Arena hindi sa Araneta Coliseum gagawin ito. Magsisimula ang magarbong palabas sa ganap na 5 pm kung saan magaparada ang 12 koponang kalahok. Sa ganap na 7 pm ay maghaharap ang Rain Or Shine at Star Hotshots sa opening game.
“The PBA opening is postponed due to bad weather. The safety of the people is our concern,” ani ni bagong PBA commissioner Chito Narvasa na humalili kay Chito Salud na ngayon ay pangulo na ng liga.
Ang Star Hotshots ay hawak ngayon ni Jason Webb na siyang taging bagong head coach sa liga. Hinalinhan ni Webb ang multi-titled na si Tim Cone na lumipat sa Barangay Ginebra.
Sisimulan ng San Miguel Beer ang pagtatanggol sa kampeonato sa Sabado sa isang out-of-town game sa Davao City kung saan makakaengkwentro nito ang Globalport.
Dalawang iba pang out-of-town games ang naka-schedule sa elims. Magtatagpo ang Talk N Text at Star sa Lucena City sa Nobyembre 14. Maghaharap naman ang Barangay Ginebra at Blackwater sa Angeles City sa Disyembre 5.
Sa susunod na buwan ay tutulak ang tatlong koponan papuntang Dubai, UAE kung saan dalawang laro ang magaganap. Magkikita ang Mahindra (dating Kia) at Alaska Milk sa Nobyembre 6. Makakalaban ng Aces ang Gin Kings sa Nobyembre 7.
Ang iba pang koponang kalahok sa torneo ay ang Barako Bull, Meralco at NLEX.
(SABRINA PASCUA)